Advertisers
MALULUPET ang mga tanong ni Senador Alan Peter Cayetano kay Transportation Secretary Jaime Bautista sa confirmation hearing ng huli sa Commission on Appointments (CA) noong December 7, 2022.
Paano kasi… marami delay sa pagpapatupad ng ilang proyektong matagal nang nakasalang, lalo na yaong mga inumpisahan sa termino pa ni Pangulong Rody Duterte. Kaya hiling ng senador sa dating presidente ng Philippine Airlines (PAL), dalhin niya ang expertise nito sa private sector sa gobyerno.
Kaya’t hayun!!!dalawang araw matapos ang medyo matinding paggisa kay Bautista, nagpulong ang dalawa at nagkasundo sa ilang bagay — partikular na ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga tricycle driver.
Isa ito sa mga inangalan ni Cayetano. Dahil aniya, 6,000 tricycle drivers palang ang nakatatanggap ng subsidy nila, samantalang ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), nasa 600,000 ang kabuuang bilang nila sa buong bansa.
Malaking isyu ito dahil naglaan ang gobyerno ng P2.5 billion para sa subsidy sa lahat ng public utility drivers — jeepney, taxi at tricycle.
Ang dahilan ni Bautista ay kulang daw ang listahan ng mga tricycle driver sa ilang Local Government Units (LGU). Mabuti nalang na nag-usap ang dalawa at nagkaliwanagan.
Ayon kay Cayetano, kung kulang man ang mga master list sa lokal na pamahalaan, pwede itong punan ng mga Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) na isa sa mga pinaka-organisadong grupo sa bansa. Kahit saang sulok ka pumunta ay may TODA, at tiyak na kumpleto ang listahan nila ng kani-kanilang mga miyembro. Mismo!
Sa miting nila noong Biyernes, Dec. 9, nagkasundo sina Cayetano at Bautista na idaan nalang sa LGU ang pamamahagi ng subsidy. Kung bakit?
Una, may kakayahan ang mga ito tulad ng nakita na natin noong pandemic kungsaan sila ang nag-distribute ng ayuda sa mga mamamayan.
Pangalawa, madali nilang makuha ang tulong ng mga TODA dahil sila ang direktang nangangasiwa ng mga ito. Mismo!
Malaking tulong ang subsidy na ito sa mga tricycle driver dahil hanggang ngayon ay hirap na hirap parin sila bunsod ng mataas na presyo ng gasolina, inflation, at ang pandemya na nakaapekto sa kanilang kabuhayan. Kung makakakuha sila ng anumang halaga — kahit ba isang libong piso lang ‘yan — ay gagaan kahit paano ang kanilang pasanin. Malalaman din nila na nasa panig nila ang gobyerno at handa itong tulungan sila sa panahon ng paghihirap. Sa ngayon kasi ay maramin sa kanila ang nagrereklamo dahil tila nakalimutan na sila.
Sana nga ay gamitin ni Bautista ang expertise niya bilang private sector executive para ayusin ang DOTr at nang sa gayon ay gumanda ang lagay ng transport sector, at umunlad din ang transporation system ng bansa. Wish ko lang!
Salamat sa pagmamalasakit mo sa mga driver, Sen. Alan Cayetano. Mabuhay ka, Sir!
***
Ngayon kailangan ni Pastor Apollo Quiboloy ang gumawa ng himala laban sa mga ikinaso sa kanya ng Amerika.
Dito lang sa sanctions na ibinigay sa kanya ng US Treasury Office ay hindi na siya makakaporma pa sa US. Mantakin mong kumpisakahin ang kanyang mga ari-arian doon at pagbawalan ang mga American citizen na mag-abuloy sa kanyang sekta.
Ang mga kinakaharap na kaso ni Quiboloy sa US ay physical abuse, pananamantala sa mga batang babae edad 11 anyos pababa, sex trafficking pastorals. Wanted na siya sa FBI.
Ito ang sinasabi natin na ang lahat ng pang-aabuso ay may katapusan at may katapat na kaparusahan.
Kaya ‘wag gagamitin ang pangalan ng Diyos sa kalokohan!