Advertisers
ISA umanong kilabot na kasapi ng ‘akyat-bahay gang’ na responsable sa ilang nakawan sa isang barangay ang bumagsak sa kamay ng mga otoridad matapos ang isinagawang follow-up operation sa pinagtataguan nito sa lungsod ng Taguig.
Batay sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director PBGEN Kirby John Brion Kraft mula sa Taguig City Police, nakilala ang biktima na alyas ‘Christian’,32, Information technology (IT) specialist, nakatira din sa naturang barangay.
HIndi naman nakapalag nang arestuhin ng mga operatiba ng Sub Station 3 ng Taguig police ang suspek na si Dave Tarseta y Pablo,19, naninirahan sa EP Housing Phase 2, Brgy. Pinagsama, Taguig City.
Ayon sa salaysay ng biktima, kauuwi lang niya sa bahay nang mapansin nito na nakabukas ang main door kaya’t dali-dali itong pumasok sa loob kung saan ay nakita ang kanyang mga gamit na nagkalat sa sahig.
Mas lalo pang nabigla si Christian nang hindi na nito makita ang kanyang mamahaling laptop, iPad 3rd gen, tatlong pirasong iPhone 6, ilang mamahaling computer gadgets,assorted jewelries at iba pa na umabot lahat sa humigit-kumulang Php 100,000 libong piso.
Nabatid sa ulat na ilang testigo ang nakakita na pumasok ang suspek sa loob ng bahay ng biktima dahilan upang madakip agad ito ng mga otoridad at mabawi sa pag-iingat nito ang mga ninakaw na personal belongings ng huli.
Si Tarseta ay sinampahan ng kasong robbery sa ilalim ng article 293 ng Revised Penal Code sa Taguig City Prosecutors office. (JOJO SADIWA)