Advertisers
TODO-BATIKOS ang inaabot ngayon ng administrasyong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nang dahil sa mga biyahe nito kabilang na ang bitbit nito umanong sangkaterbang delegado ng bansa.
Subalit hindi na balita ito kung tutuusin dahil kahit sino naman ang nasa Malakanyang ay ganito rin naman ang nasaksihan ng taumbayan sa tuwing lalabas ng bansa ang Pangulo.
Ipinagtanggol ng Pangulo ang kanyang walong biyahe palabas ng bansa mula nang maluklok noong Hulyo 2022 nang ipunto nito na kailangan niyang ipakilala ang Pilipinas sa ilalim ng kanyang liderato.
Sino naman kaya ang nagpayo sa Pangulo na gawin ang ganitong pagtatanggol sa isyu ng kanyang biyahe? Naitanong ko ito sapagkat kung ako lamang ang tatanungin sa bagay na ito ay mas pipiliin ko ang manahimik na lamang.
Ito ay sa kadahilanan na tila nagkukunwaring tanga o sadyang tanga ang nagpapalabas ng naturang batikos dahil malinaw naman ang mga ganitong biyahe para sa ekonomiya ng kahit sinong bansa.
May nagsabi na ang pagiging mahusay na lider o ang mga kilalang naging mahusay na lider ay dahil sa mga tao o grupo na mahuhusay sa kanilang larangan na nakapaligid sa kanya na silang nagbibigay ng payo.
Magtataka ako kung ang pakay ng Pangulo sa pagtungo sa ibang bansa ay patungkol sa negosyo na tiyak magpapaunlad sa ating ekonomiya pero ang kasama niya ay ang kalihim ng Department of Health (DOH).
Pinipili ng mga lider na magsama ng mga taong kanyang pinagkakatiwalaan sa pagbibigay ng payo kabilang na rin ang mga tao nito na posibleng may kinalaman sa magiging usapan na kanyang dadaluhan.
Negosyo para sa ating Inang Bayan ang pakay ng Pangulo kaya masasabi kong hindi masama na maging kasama nito ang bumubuo ng kanyang Private Sector Advisory Council (PSAC) kasi [nga] negosyo ang pag-uusapan.
Sa mga ganitong pagkakataon marahil kaya nasambit ni Hesu-Kristo ang unang pahayag nito habang nasa krus na nagsasabing… ‘Ama ko, patawarin mo sila… dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa’.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com