Mayor Honey sa bus. owners: ‘Wag ng hintayin ang deadline ng renewal ng permits’
Advertisers
‘WAG ng ipagpaliban pa at wag na wag gawin kapag last minute na.
Ito ang apela ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasabay ng panawagan niya sa lahat ng mga business owners sa Maynila na iwasan mag-renew ng kanilang business permits sa mismong huling araw ng deadline na nagiding daan para mahirapan ang lahat at mismong mga business owners.
Inanunsyo din ni Lacuna na ang dating deadline na January 20, 2023 para sa renewal ng business permits at application para sa mga bagong negosyo ay in-extend hanggang February 3, 2023.
Pinasalamatan ng lady mayor ang Manila City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo bilang presiding officer dahil sa pagpasa ng isang ordinansa para sa extension ng deadline, gayundin sa mga kawani ng city treasurer’s office sa pamumuno ni Jasmin Talegon, permits bureau sa ilalim ni Levi Facundo bilang hepe, electronic data processing sa pamumuno ni Fortune Palileo at sa Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Poks Pangan bilang hape at iba pa na tumulong sa mga taxpayers na dumagsa sa City Hall at sa mga satellite offices upang magbayad ng buwis nitong mga nakaraang linggo.
Nagpahayag din ng kanyang taus pusong pasasalamat ang lady mayor sa lahat ng taxpayers, at sinabing ang buhay ng lungsod ay nakasalalay sa kanila dahil ang buwis ang siyang dugo at buhay ng kahit na anong lokal na pamahalaan.
Muli ay binanggit ni Lacuna na maganda ang kalagayan ng kasalukuyang kita ng lungsod at umaasa siya na magpapatuloy ito hanggang sa katapusan ng taon.
Napuna ng alkalde na noong unang deadline na itinakda noong January 20, ang mga business owners ay dumagsa sa huling araw na.
Dahil dito ay nanawagan si Lacuna sa mga business operators na tigilan na ang pagpapaliban ng pagre-renew ng kanilang permits dahil wala ng extension pang magaganap pagkatapos ng Peb. 3.
“Ako po ay nakikisuyo sa ating taxpayers na sana ay wag naman ninyong intayin ang huling araw nang kayo rin po ay hindi nahihirapan, dahil talaga pong mas matatagalan po kayo,” sabi ni Lacuna. (ANDI GARCIA)