Advertisers
KUNG sa tuwina ay ginagawa lamang ng kapulisan sa CALABARZON area ng maayos ang kanilang trabaho tulad ng pagsalakay na inilunsad ng mga ito kamakalawa ng gabi laban sa pinakamalaking sakla den sa CALABARZON na nag-ooperate sa sentro ng munisipalidad ng Padre Garcia, Batangas, disin sana ay wala na ang mga itong negatibong komentong naririnig mula sa Region 4A based anti-crime and vice crusaders group at maging sa SIKRETA?
Nakagugulat, ngunit totoo at kumpirmado ang ulat ng mga nakasaksi sa raid na isinagawa noong February 11, 2023 ng gabi sa Malvar Street, sa mismong sentro ng bayan ng Padre Garcia, Batangas. Sa wakas ay naputol na din ang paghahari-harian ng partner-in crime na kilala ding drug pusher na sina aliasTisoy at Nonit.
Sa pagsalakay sa nasabing sakla den, inaasahang matuldukan na ang hindi matapos-tapos at tila tele-nobelang “palabas” sa Padre Garcia na sakla operation na mariing kinokondena din ng mga silent majority ng naturang bayan.
Sa ulat ng ating police insider at mga KASIKRETA, may 30 sugarol ang dinakip ng mga operatiba mula sa Region 4A, ngunit hindi kabilang sa mga nadakip dito ang mga operator na sina Tisoy at Nonit. Bagama’t na-raid ang nabanggit na saklaan ay hindi naman natinag ang rebisahan ng STL bookies o jueteng na inooperate nina Tisoy at Nonit malapit lamang sa naturang sakla den.
May ilang taon na ding hindi matibag-tibag ng kapulisan ang saklaang ito na nasa tabi lamang ng isang motor shop at ng Padre Garcia Rural Bank pagkat ito ay balitang protektado ng ilang mga naging hepe ng kapulisan at ng mga nagdaang PNP Provincial Commander.
Malapit nga lamang sa saklaan ng salot na sina Tisoy at Nonit ang kanilang rebisahan ng STL bookies o jueteng kung saan dinadala naman at ninanakaw ng mga ito ang kubransa ng taya sa Philippine Charity Sponsored-Small Town Lottery (PCSO-STL) para ilaban sa kanilang pa-jueteng.
Halos ay 20 percent lamang ng kubransa ang inereremit ng mga table manager sa PCSO at ang 80 percent na kubransa mula sa 18 barangay ng Padre Garcia at mga laylayang barangay ng Lipa City at Rosario ay napupuntang lahat sa pajueteng nina Tisoy at Nonit at sa mga patong ng mga pulis at iba pang awtoridad.
Di kalayuan lamang sa gambling den nina Tisoy at Nonit ang headquarter ng Padre Garcia Police Chief Major El Cid Villanueva at tanggapan ni Padre Garcia Mayor Celsa Braga-Rivera.
Napakatagal na ding ibinubunyag ang mga kabalbalang itong nangyayari sa Padre Garcia at noong nasa pwesto pa bilang PNP Chief si General Guilor Eleazar ay iniutos nito na lansagin ang operasyon nina Tisoy at Nonit.
Pansamantala lamang ang paghinto ng kailigalang ito, sapagkat may dalawang araw pa lamang na nakapagretiro si Gen. Eleazar ay lumarga na naman ang operasyon ng sakla at STL bookies o jueteng nina Tisoy at Nonit.
Hindi malaman kung bakit ni minsan ay hindi umaksyon o gumalaw laban dito ang R4A-Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaya ngayon nga ay tinatawag nang isang Padre Garcia drug cartel ang drug operation na front ng mga pasugalang pinatatakbo nina Tisoy at Nonit di lamang sa Batangas kundi maging sa buong CALABARZON?
Kung ano ang kahinatnan ng nasabing raid laban sa nabanggit na saklaan ay ating susubaybayan. May nangangamoy na “bulok” sa nasabing operasyon kahit hindi pa man naiisampa ang kaso sa prosecutors office, huwag sana nilang ituloy ang kanilang masamang binabalak?
Kaya dapat nakatutok dito si PNP Region 4A Director PBGen. Jose Nartatez Jr., pagkat baka hindi na makarating sa tanggapan ng Provincial Prosecutors Office ang kaso ng mga naarestong sugarol?
Saludo tayo kay PBGen. Nartatez Jr. at maging sa mga kapulisan na kasama sa nasabing anti-gambling operation vs Padre Garcia sakla den! May nag-ooperate na din palang isa pang sakla den ang mga magkakasosyong barangay chairman sa Brgy. Payapa, sa bayan din ng Padre Garcia. Pakiaksyunan mo na din sana ito PBGen. Nartatez, Sir!
DRUG AT GAMBLING MAFIA SA RIZAL
Kumikilos naman na parang sindikato ng kinatatakutang Italian based Mafia ang protektor ng lahat na uri ng iligal na pasugal at kalakalan ng droga sa hurisdiskyon ni Rizal PNP Provincial Director Col. Dominic Baccay.
Ito pala ang matinding dahilan kung bakit di matinag-tinag ang operasyon ng STL bookies con-jueteng at STL -con drug ng operator na si alias Bong Sola sa buong probinsya ng Rizal. Talamak at lantaran din ang operasyon ng pergalan (perya at sugalan sa naturang probinsya, ngunit hindi masupil-supil ng mga kapulisan ni Col. Baccay. Kailangang paaksyunan din ito ni R4A PNP Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com, 09664066144.