Advertisers
SUGATAN pero nakalaban ang isang pulis sa riding in tandem na umambus sa kaniya sa Cotabato City.
Kinilala ni Cotabato Chief of Police, Colonel Richard Fiesta, ang biktima na si Master Sergeant Salipuddin Pangawilan, nakatalaga sa Guindulungan, Maguindanao.
Kinilala naman ang gunman na si Heder Sandigan, 28, residente ng Mamasapano, Maguindanao.
Nakatakas ang driver ng motorsiklo pero sa pursuit operation ng PNP ay narekober ang getaway motorcycle malapit sa ilog sa Barangay RH-9.
Sa kuha ng CCTV, si Pangawilan ay sakay ng kaniyang kotse na hinahabol ng riding in tandem sa Sinsuat Avenue, Biyernes ng hapon.
Nang maabutan ng gunmem ang sasakyan ni Pangawilan, bumaba ang angkas ng motorsiklo na may dalang baril at pinaputukan ang pulis.
Pero nakaganti ng putok ang pulis at tinamaan ang gunman na natumba sa gitna mismo ng kalsada.
Ligtas na sa tinamong tama ng bala sa balikat si Pangawilan.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pananambang kay Pangawilan.
Inihahanda na ang kasong frustrated murder laban sa salarin na kritikal parin ang kondisyon.(PTF team)