Advertisers
PINASISIGURADO ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go sa PhilHealth na tiyaking tuloy ang serbisyo sa publiko habang pinasisiguro ang full implementation ng Universal Health Care Law sa kabila ng mga kontrobersiya sa ahensiya.
Sinabi ni Go na habang sinisikap nila na maalis ang systematic corruption at mapanagot ang mga nasa likod nito sa PhilHealth, inaasahan pa rin niya na tutuparin nito ang mandato na ibigay sa tao ang serbisyong nararapat.
Ayon kay Go, gusto niyang makita sa mga susunod na araw ang mga report kung ilang pasyente ang natulungan ng PhilHealth at hindi puro kung magkano ang sinasabing nanakaw.
Binigyang-diin ni Go na ngayon mas kailangan ng bansa ang “working” PhilHealth na walang korapsyon sa ilalim ng bagong President/CEO nito.
Kinumpirma rin ni Go na nagkaroon na sila ng pulong kasama ang PhilHealth at economic managers na pinangunahan ni Finance Secretary Sonny Dominguez upang masigurong mayroong sapat na pondo para tuloy at mapabuti pa ang healthcare services.
Giit din ni Go na dapat masiguro ng Kongreso na may sapat na pondo sa 2021 budget para sa pagpapatupad ng UHC law at para masiguro ang quality medical services sa gitna ng COVID-19 pandemic. (Mylene Alfonso)