Advertisers
MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang panawagan sa Department of Education na lubusang tiyakin na ang maipapasang learning materials sa mga mag-aaral ay maayos at walang halong kabastusan.
Nabatid na may ilang private schools ang iniulat na nakapaglimbag ng sarili nilang learning modules subalit naglalaman ng mali-mali, double meaning o bastos na salita.
“I am urging DepEd to work double time. Double time po dahil ang mga bata ay naantala ‘yung kanilang pag-aaral, tapos may kapalpakan pa sa module,” ang sabi ni Go sa panayam sa kanya.
“Sa mga bastos na gumagawa, wala kayong lugar sa mundong ito. Iyung libro po ay para sa pag-aaral, hindi po para sa kabastusan. Nagkandarapa na nga po ‘yung mga kabataan sa pag-aaral hahaluan niyo pa ng kalokohan,” anang senador.
Sinabi naman ni Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado M. San Antonio na nasa proseso na ang DepEd ng paghahanap ng reviewers para suriin ang nilalaman ng self-learning modules (SLMs).
Nanawagan siya publiko na i-report ang mga mali Public Affairs Service ng ahensiya.
Ayon kay Sen. Go. napakahalaga ng wasto at maayos na modules lalo patuloy na nahaharap sa malaking hamon ang mga estudyante at ang mga magulang sa demands ng online at hybrid learning.
Marami pa rin sa ngayon aniya na mag-aaral na wala pang gamit, kagaya ng laptops o tablets, gayundin ng maasahang internet access.
Kaya naman hiniling niya sa DepEd officials na agad na resolbahin ang mga nasabing isyu at huwag sayangin ang panahon ng mga estudyante.
“Gaya ng sabi ninyo, ayaw ninyo ng may masayang na oras sa calendar year ng mga kabataan [kaya] huwag ninyo pong hayaang may maantala sa kanilang pag-aaral. Ang importante po, makapag-aral sila at tuluy-tuloy ang kanilang kaalaman at walang masayang na taon,” ani Go.
Samantala, umaasa si Sen. Go na sa pagkakapasa ng Senate Bill No. 1844 ay mapapabilis na ang mga telecommunication infrastructure, mapapalawak ang internet penetration at mapabibilis na ang internet connections.
“Dinadahilan po ng mga [telecommunications companies na] mabagal daw ‘yung permits. Mabagal daw ‘yung processing. Eight months daw, kaya ‘yung mga tower nila hindi nila natatayo kaagad. So, ngayon sabi ni Pangulo, hindi na eight months. Sixteen days na lang po sabi ng [Anti-Red Tape Authority] tapos na ‘yung proseso […] With a new law, hopefully maipasa ang bill na ito, ay wala pong dahilan na matatagalan kayo sa pagpoproseso ng inyong mga towers,” ayon sa senador.
Nabatid na ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), Department of Information and Communications Technology at iba pang concerned agencies na sangkot sa pagpoproseso sa permit ng telco towers ay lumagda sa Joint Memorandum Circular No. 01-2020. Layon nitong paiksiin o bawasan ang requirements maging ang panahon sa pagpoproseo ng permits sa telcos.
“So, the ball is in your hands right now […] I am urging telcos na bilisan ang proseso. Sa panahong ito, unahin ninyo po ang serbisyo para sa Pilipino. Ayusin ninyo ang serbisyo dahil ‘yun na po ang tulong ninyo sa panahong ito.”
“Hirap ‘yung mga kabataang sabay-sabay gumagamit [ng Internet]. Kami minsan nga nasa session kami, napuputol pa ‘yung connection. Paano pa kaya yung mga bata, lalo na ‘yung nasa bundok na lumalabas pa ng bahay? Magkakahawahan na naman. Unahin ninyo ang serbisyo before anything else. Before profit, unahin ninyo ang serbisyo sa Pilipino.” (PFT Team)