Advertisers
UMAPELA ang grupong Kilos Pinoy Para sa Pagbabago (KPPP) sa embahada ng China na bigyan ng parehas na pag-trato ang mga manggagawang Pilipino matapos mapaulat na nagpapadala ang naturang bansa ng mga bilanggong Tsino sa Pilipinas upang magtrabaho sa mga proyekto ng gobyerno.
Sa kanyang liham kay Chinese Ambassador Huang Xilian na may petsang Oktubre 20, hiniling ni William Espinosa, group convenor na linawin ang seryosong isyu bilang isang diwa ng pagkakaisa at hangaring pagkakaunawaan ng dalawang bansa kaugnay sa paglobo ng bilang ng mga manggagawang Tsino na nagtatrabaho sa mga proyekto ng pamahalaan,
Lumabas ang usapin sa ginawang pagdinig sa Senado kaugnay sa pagkakatuklas na 45 porsiyento ng mga manggagawa sa proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Binondo-Intramuros Bridge project ay pawang mga Tsino o Chinese workers habang 31 porsiyento naman nila ang gumagawa sa Estrella Pantaleon project.
Nakasaad pa sa liham ng KPPP na bagama’t isa sa layunin ng pamahalaan sa isinulong na Build, Build, Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapagkalooban ng trabaho ang mga manggagawang Pilipino at mai-angat ang ekonomiya ng bansa, sa nangyayari aniya ay mukhang hindi mga manggagawang Pinoy ang nabibigyan dito ng pabor.
Ang higit pa anilang nakakabahala ay ang ulat na pawang mga bilanggong Chinese ang ipinapadala ng mga kompanya sa Pilipinas upang magtrabaho na kung totoo ay malinaw na paglabag sa karapatang pantano sa ilalim ng International Labor Organization.
Bilang isang indipindiyenteng samahan, nais ng KPPP na tawagan ng pansin ang tanggapan ng embahada ng China upang sagutin ang mga alegasyon at malaman kung umiiral pa ang patas at makatarugnang relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi pa ng KPPP sa embahada ng China na matagal ng ipinagsisigawan ng China ang maganda at maayos na relasyon nila sa Pilipinas at wala naman silang pagdududa sa ipinakikitang walang kapagurang pagtatrabaho ni Ambassador Huang upang mapaganda pa ang relasyon at maplantsa ang anumang gusot sa dalawang bansa. Umaasa ang grupo na tutugunan ng embahada ang kanilang liham na magiging daan upang tumibay pa ang maayos na relasyon ng China at Pilipinas.