Advertisers
EXPOSED sa COVID-19 ang ilang lider ng Kamara sa pangunguna nina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker Mikee Romero, DIWA Partylist Rep. Mike Aglipay at House Secretary- General Dong Mendoza subalit hindi nila sinusunod ang ‘mandatory health protocol’.
Ayon sa report, may exposure sina Velasco, Romero, Aglipay at Mendoza kay TESDA Director Isidro Lapeña nang makasama nila ito sa isang pagtitipon kasama ang mga alumni ng Philippine Military Academy (PMA) subalit hindi naman ito nagself-quarantine bagkus ay dumadalo pa sa mga hearing sa Kamara na maaring malagay sa kumpromiso sa kanilang mga staff at iba pang kapwa mambabatas.
Una nang kinumpirma ni Sen Joel Villanueva na nagpositibo sa COVID-19 si Lapeña nung Biyernes, Nobyembre 20, nang dumalo ito sa Senate inquiry kinabukasan, Nobyembre 21, ay nakuha nito ang kanyang positive result sa virus.
Dahil expose si Villanueva kay Lapeña ay kasalukuyan itong naka-self quarantine, habang nanawagan din ito sa mga staff at iba pa sa Senado na nagkaroon ng close contact na gumawa ng kahalintulad na hakbang.
Sa kabilang banda, sa Facebook post ni Romero ay makikitang Nobyembre 19 nang makaharap ng House leaders si Lapeña sa isang dinner sa Shangrila Fort Bonifacio kasama sina dating PNP Chief Egay Aglipay, DND Secretary Delfin Lorenzana, Sec. Gringo Honasan, Environment Sec. Roy Cimatu, Sec. Hermogenes Esperon, Sec. Carlito Galvez, at DSWD Sec. Rolando Bautista. At sa kabila ng anunsyo na nagpositibo sa virus si Lapeña ay hindi parin nag-obserba ng health protocol ang apat.
Matapos kumalat sa Kamara na may exposure sina Velasco at Romero kay Lapeña, ilang kawani ang nangangamba rin sa kanilang kalusugan.
Walang kumpirmasyon ang Kamara, subalit sinasabing nagpositibo rin sa virus si ACT CIS Partylist Rep. Niña Taduran.
Nabatid sa isang source na noong nakaraang Lunes, Nobyembre 16, ay nagpa-swab test si Taduran. Ngunit nung Biyernes, Nobyembre 20, lamang nakuha ang test result. Sa pagitan nito ay palagian ang pagdalo ng lady solon sa mga hearing.
Nanawagan ang mga kawani ng Kamara kay Velasco na paigtingin ang ipinatutupad na protocol laban sa COVID 19. Binatikos ng mga empleyado ang masyadong relax na pagsunod sa guidelines sa ilalim ng bagong House leadership dahil hindi sila naabisuhan na nagpositibo sa virus si Taduran kaya ang mga naging close contact nito ay maaaring nakapaghalubilo pa sa iba at hindi nakapag-self quarantine.