Advertisers
NAHULOG sa bangin ang 6-wheeler truck na sinasakyan ng nasa 22 kasapi ng Philippine Army sa Barangay Hidhid, Matnog, Sorsogon.
Lulan nito ang tropa ng Alpha Company ng 22nd Infantry Batallion na patungo sana sa relief operation sa coastal barangay ng Bonot.
Ayon kay Police Maj. Jabesh Napolis, hepe ng Matnog PNP, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng truck nang mag-loose ang preno sa pakurbang bahagi ng daan.
Nakabig rin nito ang sasakyan na bumulusok sa 25 talampakang taas ng bangin.
Pahirapan ang naging rescue operation sa tropa na umabot ng halos apat na oras habang nagtulong-tulong na ang barangay officials katuwang ang local disaster management officials sa mga kalapit na bayan ng Irosin, Juban, Sta. Magdalena, Bulan, Casiguran maging ang tropa ng Bureau of Fire Protection (BFP), pulisya at militar.
Agad dinala sa mga pagamutan ang mga nagtamo ng sugat sa insidente .