Advertisers
BINARIL-PATAY ang isang misis na nagsampa ng kaso laban sa kanyang kapitbahay nang pagbabarilin ng riding in tandem sa satellite market ng Barangay Gulang-Gulang, Lucena City, Quezon, Bi-yernes ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Susan Acuna alyas “Blessie”, 53, may asawa at residente ng Purok Sariling Atin, Brgy Gulang-Gulang.
Sa ulat, 5:30 ng umaga habang naglalakad sa loob ng satellite market ang biktima upang mamalengke nang buntutan ng isang lalaki, na ayon sa mga saksi ay nakasuot ng kulay puting polo shirt, pantalong maong at bull cap.
Nang makakuha ng tiyempo ang lalaki, pinutukan nito ng dalawang beses ang biktima at mabilis na sumakay sa isang motorsiklo na minamaneho ng kasabwat nitong nagsilbing lookout.
Isa sa tinitingnang anggulo sa motibo ng pamamaslang sa biktima ang isinampa nitong kasong cyber libel laban sa kapitbahay na babae noong Hunyo 11, 2019.