Advertisers
MAKARAAN ang isang araw lamang nang magpahayag ng suporta kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kondisyon nito na ipagpatuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung makapagbigay ang Estados Unidos ng minimum 20 million doses ng bakuna para sa Covid-19, mariing binatikos ni House Committee on Health chairperson Dr. Angelina “Helen” Tan ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa paglalabas ng “walang basehang” ulat sa Punong Ehekutibo na idinadawit ang kanyang pangalan sa diumano’y katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Ang inilabas na ulat kamakailan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na idinawit ang aking pangalan sa diumano’y katiwalian kaugnay sa palpak na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na binanggit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ‘Talk to the Nation’ nitong 28 December 2020, ay hindi lamang mapanirang-puri kundi nagpapahamak dahil sa kakulangan nito ng ebidensya – isang katotohanan na tinukoy mismo ng Pangulo sa kanyang talumpati at ako ay labis na nalulungkot sa paratang sa akin,” pahayag ni Tan ng ika-4 Distrito ng lalawigan ng Quezon.
Ayon kay Tan, ang “walang basehang akusasyon” laban sa kanya ay nag-ugat sa Gumaca Bypass Road, isang infrastructure project na kanyang isinulong noon pang 2016.
Inilahad ng mambabatas na ang P800-million project ay pangunahing dinisenyo upang maibsan ng 20 minutong paglalakbay ng mga motorista sa Gumaca, Quezon, mababawasan ang heavy traffic sa lugar, mapapasigla ang ekonomiya, makakahikayat ng investors na magbibigay ng mga trabaho at mag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan.
Ang nasabing proyekto ay magpapabilis din, aniya, sa pag-angat ng ekonomiya ng mga karatig na lalawigan dahil sa mas mabilis nang pagbibiyahe, lalo na sa mga naglalakbay sa rutang Manila-Bicol route at pabalik.
Ipinaliwanag ni Tan na kahit hindi pa kumpleto at gawa, nagagamit na ang nasabing kalsada bilang alternatibong ruta para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa bayan ng Gumaca.
“Noon pa man ay umaasa ako na ang proyektong ito ay matatapos sa loob ng limang taon na nakasaad sa kontrata,” aniya. “Naging masinop ako sa pagtitiyak na ang proyekto—mula sa pagpaplano nito hanggang sa paglalabas ng pondo—ay dumaan sa maayos na pa-mamaraan upang masiguro na pakikinabangan ito ng aking mga nasasakupan at ng mga karatig lalawigan.”
Ayon kay Tan, kabilang ang kanyang proyekto sa mga itinalang “deliverables” ng DPWH na nailathala sa kanilang official website.
Nilinaw ni Tan na malinis ang kanyang konsensya at handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon upang ganap nang matuldukan ang isyung ito.