Advertisers
TODAS ang dalawang lalaki na umano’y nakipagbarilan sa mga pulis sa Novaliches, Quezon City nitong Linggo ng ma-daling araw.
Ang dalawang napatay ay hinihinalang nagnakaw ng motorsiklo.
Ayon kay alyas ‘Nard’, bumili siya sa isang tindahan sa Barangay San Bartolome Sabado ng gabi. Pagsakay niya sa kanyang motorsiklo, may dalawang lalaki na tinutukan siya ng baril at pinababa siya sa motor at kinuha ito ng karna-per.
Agad humingi ng tulong si Nard sa kaanak at nagsumbong sila sa pulis.
Ayon kay Police Lt. Mann Erik Felipe, PCP 2 Commander ng Novaliches Police Station, nagsagawa sila ng dragnet operation. Nang makita ng mga pulis ang motorsiklo na kapareho ng kay Nard, sinita nila umano ang driver pero hindi ito huminto.
Nagkahabulan ang mga pulis at ang mga suspek. Pagdating sa isang bakanteng lote sa Austria Street, nagpaputok umano ng baril ang dalawang karnaper, dahilan para ratratin sila ng mga pulis.
Napatay ang dalawang lalaki na wala pang mga pagkakakilanlan.
Positibong tinuro ni Nard na kaniya ‘yung motorsiklo na sinakyan ng mga napatay.