Advertisers
BINAWI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang utos ng Inter-Agency Task Force and Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pinapayagan ang paglabas ng mga batang edad 10 hanggang 14 simula Pebrero 2021 sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang public address nitong Lunes ng gabi, na dapat manatili na lamang ulit sa loob ng kani-kanilang mga bahay ang mga batang napapabilang sa naturang age group.
Ito ay matapos na matuklasan kamakailan na tatlo sa 17 na nagpositibo sa UK variant ng novel coronavirus sa Pilipinas ay pawang menor de edad.
Mismong si UK Prime Minister Borris Johnson na rin aniya ang nagsabi na walang pinipiling edad ang bagong variant ng novel coronavirus.
Umaapela ng pag-unawa si Pangulong Duterte sa mga magulang dahil sa sakripisyong ito.
Tatagal aniya ang direktiba niyang ito hanggang sa matiyak na ligtas na ang lahat kontra COVID-19 sa pagdating ng mga bakuna para rito.
Enero 22 nang inanunsyo ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa 17 ang bilang ng mga nagpositibo sa bagong variant ng novel coronavirus, na nagmula sa United Kingdom at sinasabing mas nakakahawa kumpara sa orihinal na strain.
Bago lumobo ang mga naitalang kaso nang UK variant, inanunsyo ng IATF-EID ang kanilang pagpayag sa paglabas ng mga batang edad 10 hanggang 14 sa mga MECQ areas simula Pebrero.
Nauna nang umapela ang ilang mga sektor na payagan ang mga kabataan na makalabas para makatulong sa pagbangon ng ekonomiya, makalipas ang halos isang taon nang unang sumailalim sa lockdown ang bansa bunsod ng COVID-19 pandemic. (Vanz Fernandez/Josephine Patricio)