Advertisers
HINIKAYAT ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pamahalaan na magkaroon ng malinaw at matatag na polisiya kontra red-tagging para mawakasan na rin ang anila’y hindi patas at iligal na kaugalian na ito.
Ayon kay IBP President Domingo Cayosa, makakatulong ang pagkakaroon ng polisiya kontra red-tagging sa pagpapanagot sa mga indibidwal na maling magbansag sa isang tao bilang isang terorista o rebelde.
Nakikita aniya nila na nagdudulot ng tension, anxiety, at threats ang red-tagging hindi lamang sa mga indibidwal na binabansagang terorista o rebelde kundi maging sa mga mahal sa buhay ng mga ito.
Kamakailan lang ay binatikos ang Armed Forces of the Philippines matapos na isapubliko sa kanilang Facebook account ang listahan ng mga graduates ng University of the Philippines na anila’y sumali sa New People’s Army (NPA) at namatay o naaresto sa mga engkuwentro.
Kabilang sa mga listahan ay mga propesyunal na mariing itinanggi ang akusasyon hinggil sa kanilang umano’y pagkakasangkot sa NPA.
Inalis na ng AFP ang naturang listahan at humingi ng paumanhin sa kanilang pagkakamali.
Pero ayon kay Cayosa, hindi maaring palagi lamang na humingi ng paumanhin ang AFP sa pagkakamali nito.
Samantala, para naman sa mga naparatangan bilang NPA members, sinabi ni Cayosa na maaring tanggapin ng mga ito ang paumanhin ng AFP o kasuhan ng administratibo, kriminal o civil ang mga ito.