Advertisers
TODAS ang isang sub leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) nang makaengkwentro ang mga elemento ng Special Action Force (SAF) sa operasyon ng pulisya sa Languyan, Tawi-Tawi.
Kinilala ang nasawi na si Alkam Udjaman Hadjail alyas Alkam, 30 anyos, nakabase sa Sitio Kawa-Kawa, Brgy. Maraning, Languyan, sa ilalim ng pamumuno ni ASG leader Hatib Hadjan Sawdjaan.
Ayon kay MGen Bernabe Balba, Dir. ng SAF, magsisilbi ang SAF ng arrest warrant na ipinalabas ni Judge Abdulmoin M Pakam ng RTC9, Branch 5 ng Bongao, Tawi-Tawi sa kasong kidnapping laban sa suspek.
Sa halip na sumuko si Hadjail, pinaputukan nito ang mga operatiba dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Sangkot si Hadjail sa pamamaslang sa 5 miyembro ng Philippine Marine sa Bud Datu, Sulu noong 2016 at pamumugot kay Army Cpl Reinhat Macad sa engkwentro sa Patikul Sulu noong Nov. 18, 2018.
Sangkot din ito sa pagdukot sa magkapatid na Joshua at Joseph Bani sa Pier sa Bongao noong Hunyo 2, 2014 at pagpatay sa isang church attendang ng Jolk Catholic Parish Church. (Mark Obleada)