Advertisers

Advertisers

‘JUETENG LORD’ NA BGY. CHAIRMAN SA MAYNILA PINATAY SA LAGUNA

0 1,411

Advertisers

LAGUNA – Patay ang kilalang “jueteng lord” na tumatayong acting barangay chairman sa Maynila nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay San Francisco, San Pablo City, Huwebes ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nakilala ang biktima na si Ricardo Caravana alias “Jun Moriones”, kilalang jueteng operator na kasalukuyang nag-o-operate sa Cavite at Laguna, at pansamantalang naninirahan sa Bgy. San Francisco.
Sugatan naman sa pamamaril ang driver-bodyguard ni Caravana na si Rommel Viterbo Eseo na nagtamo ng mga tama ng bala sa kanyang kamay at braso. Kasalukuyan itong nagpapagamot sa ospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, 8:00 ng gabi nang maganap ang insidente. Papalabas ng Auravel Hotel ang biktima matapos itong magpamasahe nang sumulpot ang gunmen lulan ng motorsiklo at pinagbabaril sina Caravana at Viterbo.
Sinasabing isa sa malapit na kaibigan ng biktima na isang pulis ang nagawa pang makipagpalitan ng putok sa riding in tandem pero nagawang makatakas ng mga ito sa pamamagitan ng pagtakbo, iniwan ang motorsiklo.
Ayon sa source, ang pulis ay nagsisilbing badigard ni Caravana.
Si Caravana, number one kagawad ng Barangay 123 sa Tondo ay nagsisilbing acting chairman matapos masuspinde ang chairman.
Ayon sa source, si Caravana ay may dalang P10 million nang mangyari ang pamamaril. Ito umano ang may hawak ng “intel money” para sa mga opisyal para proteksyon sa kanilang jueteng operation ni alyas “John Yap”.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen. (DICK GARAY)