Advertisers
KINALAMPAG ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang Kongreso na ipasa na ang ‘10K Ayuda Bill’, na hinihiling din ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go at dalawang local government units sa gobyerno na magbigay ng karagdagang ayuda sa mga mamamayan na sobrang naapektuhan ng pandemya ng COVID-19.
Inihain nina Cayetano, Taguig Rep. Lani Cayetano, at kanilang mga kaalyado sa House of Representatives noong February 1, 2021, ang ‘10K Ayuda Bill’ ay magkakaloob sa bawat pamilyang Filipino ng P10,000 o P1,500 sa bawat miembro ng pamilya, na magagamit sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan o para makapagsimula ng kanilang sariling negosyo habang ang bansa ay naghihintay ng pangkalahatang roll-out ng COVID-19 vaccination program.
Pero ang bill ay hindi manlang tinatalakay ng Kongreso at tinutulugan rin sa Committee on Social Services na pinamumunuan ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas.
Sa isang statement nitong Miyerkules, March 24, hinikayat ni Sen. Go si Presidente Rodrigo Duterte at ang concerned national government agencies na magbigay ng karagdagang ayuda sa mahihirap na pamilyang Filipino sa pamamagitan ng expanded Social Amelioration Program (ESAP).
Sinabi ni Go na kailangan tulungan ng ahensiya ng gobierno ang mahihirap na Filipino para malagpasan ang pagdurusa na sanhi ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Covid-19.
Natuwa naman si Cayetano sa naging statement ni Go, sinabing ito’y “very significant” dahil ang senador ay siyang “eyes and ears” ng Presidente.
“Sana makiramdam ang Congress and we convert into a Committee on the Whole or in any way that we can, kung kailangang humingi ng special session, para ipasa ‘to. Ginawa natin n’ung Bayanihan 1 ‘yan, ginawa natin n’ung Bayanihan 2, there’s no reason why we can’t do it again,” sabi ni Cayetano sa reporters sa inauguration ng bagong isolation facility sa Pateros.
Ang Tarlac City Sangguniang Panlungsod ay nag-isyu rin ng resolution, nagsasabing ang 10K Ayuda Bill ay malaking tulong sa bawat Pinoy na mabibigyan ng ayuda, dahil sa matinding apekto ng pandemya, economic setbacks, at paghihirap mula pa 2020. Ang resolution ay pinirmahan ni Vice Mayor Genaro Mendoza at ng lahat ng12 Sangguniang Panglungsod members.
Sinabi naman ng Sangguniang Bayan ng Alburquerque, Bohol, na ang pagpasa sa 10K Ayuda Bill “would greatly benefit our countrymen who have been extremely affected by the COVID-19 pandemic.”
Ang resolution ay pirmado ni Vice Mayor Alexis Fernan Simeon at ng lahat ng10 SB members.
Ang dalawang resolutions ay ipapadala sa House of Representatives at Senate.