Advertisers
HINDI na umano kakayanin pa ng gobyerno na mamigay ng ayuda sakaling ma-extend pa ang Enhanced Community quarantine (ECQ) sa mga lugar na sakop ng National Capital Region (NCR) plus bubble.
Sa isang panayam, sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na ang ayuda ng gobyerno ay sapat lamang para sa mga apektado ng isang linggong ECQ na magtatapos sa Abril 4 at tiniyak na isang beses lamang ito at wala ng kasunod pa.
“One-time financial assistance lang po ito. Pagka ito ay tumagal pa, hindi na sasapat. Kaya hanggang doon lang po ang kaya nating gawin sa kasalukuyan,” ani Avisado.
Dagdag pa ng kalihim, may mga pagtaas din ng covid cases sa ibang rehiyon at hindi lamang sa NCR plus.
Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P22.9 bilyon na assistance in kind sa mga apektado ng ECQ sa NCR plus.
Ang ayuda ay hindi na cash kundi “in kind” upang matiyak na pagkain ang mabibigay sa mga tao.
Dagdag pa ni Avisado, mag-iisyu na ang DBM ng Special Allotment Release Order at Notice of Cash Allocation sa Bureau of Treasury upang maibigay na ang pondo sa mga local government units na siyang mamamahagi ng ayuda.
Sakaling matapos na ang ECQ sa Abril 4 ay maari pa rin naman umanong ipamahagi ang mga ayuda. (Jonah Mallari)