Advertisers
BINAWI na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang moratorium sa pagmimina.
Ito’y matapos makapagpatupad na ng mga bagong batas ang gobyerno para sa pag-rationalize ng existing revenue sharing schemes and mechanisms kasama na ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act na nagtatakda ng dobleng rate sa excise tax sa minerals, mineral products at quarry resources sa 4 % mula sa dating 2%.
Nakasaad sa Executive Order No. 130 ng Malakanyang na pirmado ni Pangulong Duterte nitong Miyerkules, Abril 14, na puwede nang pumasok muli ang pamahalaan sa bagong mineral agreements alinsunod sa Philippine Mining Act of 1995 at iba pang mga batas.
Dahil dito, maaari nang ipagpatuloy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbibigay at pag-iisyu ng exploration permits sang-ayon sa umiiral na batas at mga panuntunan.
Inaatasan din ang DENR na bumuo ng terms and conditions sa bagong mineral agreements kung saan magagamit nang husto ng gobyerno ang kita at shares nito sa produksyon, kabilang na ang posibilidad na ideklara ang mga lugar na ito bilang mineral reservations para makakuha ng kaukulang royalties.
Inaatasan din nito ang DENR na i-review ang existing mining contracts at mga kasunduan para sa posibleng renegotiation sa terms and conditions na magiging katanggap-tanggap sa gobyerno at sa mining contractor.
Base sa EO 130, kailangang magpatupad ang DENR ng mahigpit na mines safety and environmental policies at mga patakaran ng Mining Industry Coordinating Council (MICC) para sa lahat ng mining operations na naglalayong maoobserbahan ang environmental protection at maging responsable ang pagmimina. (Josephine Patricio)