Advertisers
IPINAG-UTOS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ang mga pulis na umano’y nagsagawa ng profiling sa mga organizer ng Community Pantry sa Quezon City.
Sa isang panayam, sinabi ni DILG Spokesman Jonathan Malaya na isasailalim muna sa validation kung totoo na mga pulis ang nagsagawa ng profiling, dahil posible rin naman na pakana ito ng ibang grupo na nagnanais manira.
Gayunman, kung sakaling maberipika na pulis nga ang mga ito ay iimbestigahan sila dahil wala naman umanong utos ang DILG at Philippine National (PNP) na mag-profiling.
Nilinaw din ni Malaya na hindi kailangan ng permit para sa mga nagnanais na mag-organisa ng Community Pantry.
Kinakailangan lang umano sumunod sa minimum health protocols upang matiyak ang hindi pagkalat ng covid infection. (Jonah Mallari)