Advertisers
Ipinahayag ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Chief for Operations Wilson Chan na paiigtingin ang pagdidisiplina sa mga motorista sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad sa Maynila ng ‘No Contact Apprehension Policy (NCAP)’, at dahil dito nangangamba itong maraming PUVs ang posibleng lumabag sa batas at mapadalhan ng Notice of Violation (NVO).
Sa puntong ito, tahasang sinabi ni Chan na sa operator nakarehistro ang sasakyan kaya ang magbayad ng multa ang mga operator sa sandaling nagkaroon ng violations ang kanilang mga driver.
Sinabi ni pa ni Chan na hindi dapat ipasa ng mga operator sa mga driver ang multa dahil malinaw na nakasaad sa Civil Code na ang “common carriers” o operators ng PUVs ang dapat na nagbibigay proteksiyon sa mga pasahero.
Ayon kay MTPB Chief, na responsibilidad ng operators na alamin ang background, ugali ng driver at kung may sapat itong kaalaman sa batas trapiko bago ipamaneho ang kanyang taxi o pampasaherong jeep.
Sa pamamagitan na rin ng No Contact Policy, inaasahang maiiwasan ang pangongotong ng ilang mga traffic law enforcer.
Ipinagmamalaki ni Chan na simula nang ipatupad ang NCAP sa Maynila, nabawasan ang korupsiyon at bumilis ang daloy ng trapiko.
Paliwanang ni Chan na sa NCAP makikita ang violation ng driver kahit pa tinted ang loob ng sasakyan. Dahil high resolution camera ang gamit, kaya nitong makita ang bawat detalye ng violation ng driver kabilang na ang hindi paggamit ng seatbelt at lumabag sa anti-distracted driving.
Binigyan diin naman ni Atty. Jun Batonghinog, ng Manila City Legal Office na pinaiiral ng NCAP ang pagiging disiplinado ng motorista at ito ang pangunahing solusyon upang maiwasan ang aksidente at paglabag sa traffic rules.
Giit ni Batonghinog, maging sa ibang bansa tulad ng US at Singapore nagpapatupad na ng NCAP. Samantalang sa Pilipinas, tanging Manila, Valenzuela at Parañaque pa lamang ang nagpapatupad nito.
Naniniwala si Batonghinog na panahon na upang ipatupad ng ibang lungsod ang NCAP dahil patuloy ang paglobo ng mga sasakyan sa lansangan at hirap na rin sa pagmamando ng daloy ng trapiko.
Isa rin itong post pandemic measures ng pamahalaan laban sa Covid-19 at iba pang virus.