Advertisers
ARESTADO na ang salarin sa pagpaslang sa isang dating university president sa Northern Samar.
Ayon sa Northern Samar Police Provincial Office, kinilala ang salarin na si Alvin Plandez, 22 anyos, isang construction worker.
Matatandaan natagpuang patay si Rolando Delorino, 64, dating presidente ng University of Eastern Philippines, nitong Linggo ng madaling araw sa kaniyang bahay sa Barangay Dalakit, Catarman.
Dinala pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.
Sa ulat, nahuli si Plandez 4:10 ng hapon ng Linggo sa Sitio Tara, Barangay Dalakit. Inamin nito ang krimen.
Nakatulong sa imbestigasyon ng pulisya ang CCTV footage na kuha sa bahay ng biktima para matukoy ang salarin.
Ayon kay Col. Arnel Apud, provincial director ng Northern Samar Police, dati nang nakulong si Plandez dahil sa kasong attempted homicide noong July 2019, pero nakalabas sa kulungan nitong Abril dahil nakapagpiyansa.
“Base po sa salaysay ng salarin, meron po siyang sinasabi na nautusan po siya ng isang kumander ng NPA (New People’s Army) na patayin po ang former president ng UEP kasi daw po ‘pag ‘di niya po ginawa, ang kaniyang pamilya ay papatayin lahat,” ani Apud.
“Meron po siyang pinangalanan, a certain Commander Fely. Yun po ang sinabi niyang pangalan, at ito po ay ating bina-validate.”
Inaalam pa ng mga awtoridad ang kaugnayan ng biktima sa NPA, na kasalukuyan nakakulong sa Catarman PNP at isinailalim na sa inquest proceedings nitong Lunes.