Advertisers

Advertisers

PAGKILALA KAY TITA NENA

0 617

Advertisers

Ni Atty. Nick Nañgit

NAKALULUNGKOT mabalitaan na pumanaw na noong unang linggo ng Hunyo ang 1st child prodigy sa piano ng ating bansa na si Tita Nena Del Rosario Villanueva!

Muli, isa na namang kilalang personalidad sa larangan ng aliwan ang nauna na ngayong Year of the White Metal Ox.



Hindi ko makalilimutan ang napakalambing at tila mag-inang kuwentuhan namin sa isang private concert ng isang kilalang law firm na ginanap sa Forbes Park, na ako’y naimbitahang tumugtog, ilang taon nang nakalilipas, matapos magbalik entablado si Tita Nena noong 2003.

20 years yata siyang hindi narinig ng publiko, pero sa CCP noong taong yun, kung saan ko siya unang narinig nang LIVE, ay ganun na lamang ang aking paghanga! Doon siya sa Tanghalang Aurelio Tolentino kung saan din ako unang nagtanghal kasama ang Manila Symphony Orchestra II.



Nasa late 70s na ang edad niya noon pero sobrang galing pa rin niya sa pagtugtog ng Carnaval ni Robert Schumann (isang kompositor na tinalikuran ang pag-aaral ng abogasya para magpursigi sa musika).

Labis ang paghanga namin sa kanya ng aking music director impresario na si Noel Buenviaje. Walang kakupas-kupas, sabi nito sa akin. Tama siya! Kapag pinikit ko ang aking mga mata, hindi ko inakalang may edad na ang tumutugtog dahil sa linis, bilis, at timpla ng kanyang pagtipa sa teklado!



Pagkalipas ng ilang taon, dumating ang gabi na magiging una’t huli naming pagtatagpo.

Narinig niya akong magtugtog noon. Sobrang kaba ko dahil si Tita Nena ang isa pala sa mga artists na nasa holding area na nakikinig sa akin. Hindi ako inabisuhan na tutugtog din pala siya. Tinitingala ko siya at ninais ko pa ngang kumuha ng master classes sa kanya. Yan ay kung nagbibigay siya.

Opo, binalik niya ang paghanga sa akin at dagdag pa niya na masuwerte raw ako!

Sabi niya, gusto raw niya maging abogado noong araw pero ayaw ng tatay niya. Gusto nito mag-aral siya ng piano. Sinunod niya pero sa haba ng karir niya sa musika, hindi siya makapili ng mga piyesang gusto niyang tugtugin.

Kung ano ang ipatugtog sa kanya ng producer, yung ang gagawin niya dahil babayaran siya at bahagi yan ng pagiging isang propesyunal na piyanista.

Samantalang ako raw, gusto ko pong mag-aral talaga ng musika pero ipinayo ng mga magulang ko (lalo na ng lolo ko) na mag-aral daw ako ng abogasya, at nakakapili nga ako ngayon ng mga piyesang aking tutugtugin. Napagsabay ko ang abogasya at musika.

Ituloy ko lang daw ang aking sinimulan.

Tuwang-tuwa siya na parang nakikita raw niya ang sarili niya sa akin, kung itinuloy niya sana ang abogasya.

Ikinuwento ko rin sa kanya ang panonood ko sa CCP noong nagbalik-entablado siya taong 2003.

Binigay pa niya ang number niya.

Willing ako na pumunta sa kanyang bahay para mag-master classes kaya lang hindi na niya ako napagbigyan noong tumawag ako pagkalipas ng ilang buwan, dahil hindi na raw siya tumatanggap ng mga estudyante sa kanyang edad. Nahihirapan na raw siya. Gustuhin man niya, hindi na niya kakayanin pang magturo.

Naunawaan ko.

Tinuruan na lang niya ako noong una naming pagkikita at maging sa telepono ng mga bagay bagay tungkol sa pagtugtog ng mga piyesa. Ang haba ng naging usapan namin noong gabing yun na naging master class na rin, dahil puro puntos sa aking tinugtog at sa iba pang mga piyesa ang gabay niya.

Sobrang sapat na iyon para sa akin na maituring naturuan ako bahagya ng kauna-unahang pinakamagaling nating piyanista. Mahal na mahal ko siya na parang naging nanay ko na rin sa larangan ng musika.

Sa kanyang mga naiwan, ipinaaabot namin ang aming dasal at pakikiramay. Isa siyang dakilang inspirasyon sa mga tunay na manlilikha ng sining at musika.

Maraming salamat po, Tita Nena!

Para sa iba pang kaalaman, mag-Subscribe at Watch lang sa Nickstradamus channel ng YouTube, lalo na ang LIVE tuwing Biyernes 11pm Philippine Standard Time.

At para naman sa mga katanungang saykismo, gaya ng Orakulo gamit ang tarot cards o mga made-to-order crystals, maaaring makipag-ugnayan sa sulatronikong nickstradamus2018@gmail.com.

Hanggang sa muli, Light Love and Life, Namaste!