Advertisers
UMAPELA ang mga alkalde ng Metro Manila sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease na suspindehin na ang pagpayag sa mga menor de edad na makalabas ng bahay.
Saad ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, bukod sa hindi pa bakunado ang mga batang ito ay posibleng sila rin ang magpapakalat ng iba’t ibang variants ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Ayon naman kay Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na maglalabas ang Metro Manila Council ng isang resolusyon ukol dito.
Kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr., ang desisyon na ito ng mga alkalde sa Metro Manila hinggil sa isyu.
Ayon kay Abalos, handa ang Metro Manila local government units na magpatupad ng mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng Delta variant na sinasabing mas nakahahawang strain ng COVID.
Matatandaan na noong Hulyo 8, inilabas ng IATF ang Resolution No. 125 na nagpapahintulot sa mga batang edad lima pataas na makalabas.
Ang mandatong ito ay para sa mga lugar na nasa ilalim lamang ng modified general community quarantine at general community quarantine, maliban iyong mayroong “heightened restrictions.” (Josephine Patricio)