Marian may kondisyon sa paggawa ulit ng serye sa Siyete; Heart kinilig sa sweetness nina Kyline at Mavy
Advertisers
Ni WALLY PERALTA
MUKHANG magiging huling pasabog o unang pasalubong para sa taong 2022 ng Kapuso Network ay ang isang teleserye na pagbibidahan ng Primetime King and Queen of GMA, ang mag-asawang Dingdong at Marian Rivera-Dantes.
Kinumpirma nga ito ng kampo ng Kapuso Network, inihahahanda na lahat para sa pagsisimula ng tapings para sa balik-tambalan nina Dingdong at Marian. Sa ngayon ay inaayos na lang ang script at tsikang tumutulong din daw si Marian na mapaganda ang seryeng unang gagawin pagkatapos ng ilang taon.
Kung matatandaan ay huling teleseryeng nagawa ni Marian ay ‘Super Ma’m”.
Siguradong matutuwa nang husto ang mga followers ni Marian pag natapos na ng mag-asawa ang naturang serye dahil na rin sa nabitin ang mga ito sa pagback-out ni Marian bilang leading lady sa super hit na serye ng Siyete na ‘First Yaya’.
O di nga ba, pinalitan si Marian ni Sanya, at ang dahilan na binigay ni Marian kung bakit di na niya tinuloy ang natanguang proyekto ay ang health ng kanyang pamilya na ayaw niyang malagay sa kompromiso sa pamamaraan na makapag-uwi siya ng virus sa kanilang tahanan at mahawaan ang dalawang anak.
Tsikang isa sa kondisyon na binigay ni Marian para makapag-taping na sila sa new normal which is lock-in taping ay maisama sa venue ang mga anak nila ni Dingdong, as in family in one sa lock-in tapings.
***
KUNG noong first time na aalis si Mavy Legaspi sa kanilang tahanan at iiwanan ang kanyang mga magulang na sina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi, gayundin ang kanyang kakambal na si Cassy ay tumulo ang luha ng binata at naging malungkot ang kanyang pagpapaalam sa kapatid at magulang.
Pero ngayon tsikang tila ayaw na raw ni Mavy na matapos agad ang lock-in taping nila para sa seryeng pagbibidahan nina Heart Evangelista, Paolo Contis, Richard Yap at Kyline Alcantara bilang kanyang ka-loveteam, ang ‘I Left My Heart In Sorsogon’ at umuwi ng kanilang tahanan.
Ang dahilan ay ang pagiging inspired ni Mavy sa kanyang first time work na maging isang aktor at katambal pa niya ang pinapangarap na maging kapareha na si Kyline.
May tsika ngang lihim na may relasyon na ang dalawa kahit pa man noon bago sila magtungo sa lock-in tapings. Maging ang kanilang mga kasamahan ay kinikilig na rin sa sweetness ng dalawa sa set. May chance pa ngang mismong si Heart ang nakapansin ng sobrang closeness nina Mavy at Kyline kaya kinunan pa niya ito ng larawan at ipinost sa sariling social media account.
Sa Instagram stories, ini-upload ni Heart ang litrato ni Mavy habang nakayakap ito kay Kyline. Say pa nga ng aktress sa caption, “Bakit ako kinikilig in a very wholesome way?” at ang naturang post ay pinatulan ng maraming netizens at lahat halos ay nagkokomentong sila man ay nakakaramdam ng kilig sa sweetness nina Mavy at Kyline.
At may binigay pa silang hashtags para sa litrato nila Mavy at Kyline, ang #TeamDimple.