Advertisers
PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang “Duterte Legacy” sa patuloy na pagbibigay ng mas komportableng buhay sa mga Filipino sa pamamagitan ng mga proyektong imprastraktura sa iba’t ibang panig bansa sa ilalim ng “Build Build Build” programs nito.
Kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, dinaluhan ni Sen. Go ang inagurasyon ng Bonifacio Global City-Ortigas Center Link Road project sa Taguig City nitong Huwebes.
“Masaya po tayo sa pagbubukas ng BGC-Ortigas Center Link Road project na layuning mas pabilisin ang biyahe sa Kamaynilaan at masolusyunan ang problema sa trapiko,” sabi ni Go.
“Layunin ng mga proyektong magbigay ng mas komportableng buhay para sa mga Pilipino. Parte po ang mga malalaking proyektong ito sa pamana ng ating Pangulong Rodrigo Duterte,” aniya.
Ang BGC-Ortigas Center Link Road ay inaasahang magpapabilis sa oras ng biyahe sa pagitan ng BGC at Ortigas Center. Kung dati’y isang oras ang biyahe, ngayo’y magiging 12 minuto na lamang.
Inaasahang mababawasan din nito ang traffic congestion nang 20% sa EDSA at C-5 Road.
Pinuri rin ni Pangulong Duterte ang proyekto sa pagsasabing isinakatuparan ito sa panahong ang bansa ay nagsusumikap bumangon sa dagok sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic.
“Indeed, this achievement will provide substantial and long-lasting benefits to various businesses, motorists, and ordinary Filipino,” ayon sa Pangulo.
Ang ambisyosong infrastructure development plan ng Duterte administration ay lumikha ng mga proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa na ang obhektibo ay tapusin ang kahirapan, palakasin ang ekonomiya at resolbahin ang traffic congestion sa Metro Manila.
Simula July 2016 hanggang December 2020, nakakumpleto na ang Department of Public Works and Highways ng pagtatayo, renovation at improvement ng 26,494 kilometers ng kalsada, 10,376 flood control structures at 5,555 tulay na malaking bawas sa travel time at tumiyak sa kaligtasan ng mga motorista.
Kabilang ang Metro Manila Skyway Stage 3, ang San Fernando By-pass Road, ang Bulacan Pulilan-Baliuag Diversion Road, ang Sorsogon City Coastal By-Pass Road, ang TPLEX-Luzon Spine Expressway Network, at ang Urdaneta City By-pass Road sa mga proyektong natapos at nagpapatuloy pa.
Ang BGC-Ortigas Center Link Roads, ay magkokonekta sa mga lungsod ng Taguig, Makati at Pasig.
Bilang vice chair ng Senate Finance Committee, aktibong sinusuportahan ni Go ang mga infrastructure development programs sa buong kapuluan.
“Walang humpay ang ating paglilingkod. Pinag-aaralan natin ang lahat ng posibleng paraan na maaaring makapagpabilis sa daloy ng serbisyo at makatulong sa ating mga kababayan. Para naman sa amin ni Pangulong Rodrigo Duterte, basta kapakanan ng mga Pilipino, ipaglalaban namin ‘yan hanggang sa huli,” ani Go.