Advertisers
POSIBLENG bumaba sa pagsapit ng katapusan ng Oktubre at umabot na lamang sa halos 1,000 ang maitatalang COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).
Batay sa ulat ng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na sa ngayon ay bumaba pa sa 0.67 na lamang ang reproduction number ng COVID-19 sa rehiyon, mula sa dating 0.88 noong nakaraang linggo.
Ang reproduction number ay yaong bilang ng mga tao na maaaring ihawa ng isang pasyente ng virus. Ayon sa mga eksperto, ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon na bumabagal na ang transmission o hawahan ng virus.
Ayon pa sa OCTA, ang seven-day average sa NCR ay bumaba na rin sa 2,642 na lamang o 32% na pagbaba, habang ang positivity rate naman ay nasa 14% na lamang.
“Based on current trends, the NCR could have 1,500 to below 1,000 new cases per day by end of October,” tweet pa ni David.
Nauna nang sinabi ni Guido noong Lunes na ang NCR ay nasa moderate risk na lamang sa COVID-19. (Andi Garcia)