Advertisers
PANAHON na nang paghahain ng kandidatura at pagkatapos ay tuloy-tuloy na ito sa iba’t-ibang gimik at kaparaanan ng ating mga pulitiko na mangampanya, lalo na ngayong may pandemiya.
Pihadong may pagkaka-iba di gaya ng mga nakaraang halalan, dahil walang mga restriksiyon noon gaya ng mga quarantine, social distancing etc. etc.
Pihado rin ang pagsisimula ng maaaring kaguluhan. Nariyan ang kali-kaliwang batuhan ng putik. Ang pinakamasaklap ay ang patayang magaganap para lamang sa posisyong paglalabanan.
Hindi ba’t nagsimula na nga ito, nitong mga nagdaang mga araw lamang. Ang pagiitsa ng granada ng mga naka-motorsiklong suspek sa bahay ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Cagayan de Oro. Buti na lamang at di sumabog ito. Ngunit maaaring pahiwatig ito, dahil tatakbong mayor si Rodriguez laban sa nakaupong Mayor na si Oscar Moreno.
Sa Maguindanao naman ay inambush ang sasakyan ng isang tatakbong Vice Mayor sa kahabaan ng isang highway doon. Ligtas naman si Sam Zailon ngunit isa sa kanyang kasamang body guard ang napatay.
Ang mga ganitong pangyayari ay nakasalalay na sa balikat ng ating kaibigang hepe ng kapulisan, si PNP Chief Director General Guillermo Eleazar.
Bago pa nga lamang natin binabanggit ito ay nagisyu na ng direktiba ang mama sa lahat ng kanyang mga tauhan na bantayan ang mga napipontong kaguluhan idudulot ng darating na halalan magmula sa filing, campaign at proclamation ng mga winners
Iniutos din niyang bantayan ng kapulisan ang lahat ng institusyon nauukol sa kaperahan gaya ng mga banko halimbawa. Dahil advance mag-isip itong police chief natin, alam niyang bibira ang mga holdaper at mga sindikato para tumulong sa kanilang mga kandidato.
Kampante na ko sa ipinakitang kahandaan nitong ating hepe ng PNP, di man mawala ang kaguluhan pihado akong mababawasan ang bilang nito dahil sa pagmamasid ng ating kapulisan.