Advertisers
NAGDAOS ang grupo ni Senator Christopher “Bong” Go ng relief operation sa Malolos City, Bulacan bilang pagsuporta sa pagtugon ng Duterte administration sa COVID-19 crisis.
Namigay ang tanggapan ni Sen. Go ng iba’t ibang tulong sa religious leaders sa probinsiya para makaagay sa pang-araw-araw na paglaban nila sa epekto ng patuloy na pandemya.
Batid kasi ni Go ang hirap at pesteng hatid ng virus sa kabuhayan ng mga Filipino.
Sa kanyang video message, tiniyak ng senador na makababangon at makababawi ang bansa sa mga pagsubok na ito dahil sa ginagawang pagsisikap ng pamahalaan na masugpo ang pagkalat ng COVID-19.
Hiniling niya sa mga residente na magpabukuna na para maprotektahan ang mga sarili laban sa virus.
“Mga kababayan ko, magtulungan lang po tayo. Magbayanihan po tayo at magmalasakit po tayo sa ating kapwa Pilipino. Ginagawa po lahat ng gobyerno para po malampasan natin itong krisis na ito. ‘Pag nasa priority list na po kayo magpabakuna na po kayo para po protektado kayo,” ani Go.
“Nasa datos naman po ‘pag bakunado kayo ay mas maiiwasan po ang pagkahawa, maiiwasan po ang pagka-severe o pagkamatay dulot ng COVID-19. At pinag-aaralan po ng gobyerno ngayon na mas maluwag na restriction ‘pag ikaw ay bakunado. Kaya magpabakuna na po kayo,” idinagdag ng mambabatas.
Umaabot sa 930 religious leaders ang nabiyayaan ng pamamahagi ng ayuda ni Go sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.
“Kami po ni Pangulong Duterte ay patuloy na magseserbisyo po sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya. Alam ko pong nahihirapan po kayo, kami rin po ay nahihirapan.”
“Subalit kayo po ang nagbibigay lakas sa amin upang malampasan pa natin itong krisis na ating kinakaharap. Kayo po ang nagbibigay lakas sa amin na makapagserbisyo pa po sa inyong lahat. Maraming salamat po sa inyong lahat,” sabi ni Go.
Nauna rito, nagsagawa rin ng kaparehas na aktibidad ang grupo ni Go sa Calumpit, Bulacan noong October 1 para sa mga residente ng Bulakan, Bustos at Guiguinto.
Kahit naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-bise presidente para sa darating na halalan, hindi tumitigil si Go sa pagtupad sa kanyang pangako na tutulungan at pagsisilbihan pa rin ang ating mga kababayan sa harap ng krisis.
“Sabi ko nga, mamaya na muna ‘yung pulitika, tapos na ‘yung filing, let’s go back to work. Unahin po natin ‘yung pagseserbisyo para sa ating mga kababayan bago ang halalan. At bakuna muna bago pulitika,” ayon sa mambabatas.