Advertisers
LUBOS na pinasalamatan ni Senator Bong Go ang lahat ng Malasakit Center at hospital employees, gayundin ang mga medical frontliners sa kanilang pagseserbisyo sa panahon ng pandemya, lalo sa pagliligtas at pagpoprotekta sa buhay ng vulnerable sectors ng lipunan.
Ginawa ni Senator Go ang pahayag sa kanyang monitoring visit sa Malasakit Center sa Mayor Hilarion A. Ramiro Sr. Medical Center sa Ozamiz City, Misamis Occidental noong Martes.
“Pinakaimportante ito sa lahat, ang pasalamatan natin ang mga hero ngayong panahon na hindi nababayaran ang sakripisyo – ang ating frontliners, maraming salamat sa inyong lahat. Doctors, nurses, medtech, pati mga security guards at mga utility workers,” sabi ni Go matapos ang pagbisita.
Bilang senador ng bayan, patuloy na isusulong ni Go ang Senate Bill No. 2421 na magbibigay ng COVID-19 benefits at allowances sa lahat ng public at private health workers sa panahon ng state of public health emergency.
“Nag-file ako sa Senado, itong inyong Special Risk Allowance or incentives. Walang pili dapat. Itong sinasabi nila na itong mga exposed lang daw, bibilangin ‘yung mga exposed? Pagpasok mo ng ospital, exposed ka na. Bakit? Makikita mo ba ang COVID? maliit lang itong tulong kumpara sa inyong sakripisyo sa panahon ngayon.”
“Ako nandito lang at ipaglalaban ko ang inyong kapakanan. Hindi ko na ipagyayabang dahil ‘yan ang aming trabaho,” ani Go.
Layon ng SB241 na pagkalooban ng buwanang allowance ang healthcare workers depende sa kanilang risk exposure.
Ang mga nakatalaga sa “low risk areas” ay bibigyan ng P3,000 kada buwan, ang mga nasa “medium risk areas” ay P6,000 at ang mga naka-deploy sa “high risk areas” ay pagkakalooban ng P9,000 kada buwan.
Bukod sa COVID-19 allowance, ang panukalang batas ay magkakaloob din ng compensation sa health workers sa oras na ma-expose sila sa COVID-19 at anomang work-related illness o disease.
Iko-cover din ng Philippine Health Insurance Corporation ang lahat ng kanilang medikal na gastusin.
Kasabay nito’y hinimok ni Go ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 para makatiyak sila ng proteksyon at ang kanilang pamilya.
“Pakiusap ko lang sa mga taga-Ozamiz, nandito naman ang mga health workers dito. Kung mahal ninyo ang inyong mga health workers, kung ayaw niyo na silang pahirapan pa, magpabakuna na kayo,” ani Go.