Advertisers
TUTULAK ngayong Huwebes si Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang Chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) patungong Region IV-A (Quezon Region) upang bigyan-diin ang mga programang pang-kaunlaran na ibinuhos doon upang wakasan ang paghahari-harian ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ito ang inihayag ni NTF-ELCAC Vice Chairman at National Secrurity Adviser Hermogenes Esperon Jr. na siyang kasama ng Pangulo sa pag-iikot sa iba’t ibang rehiyon sa bansa simula ngayong Huwebes upang mapabilis ang pagpapaunlad ng mga ‘conflict-affected’ at ‘geographically-isolated’ na mga barangay. Ang mga pagbisitang ito ng Pangulo, ayon kay Esperon, ay naudlot dahil sa pandemiyang dinulot ng virus na Covid-19.
Ang pagbisita ng Pangulo sa Region IV-A ay dadaluhan ng mga lokal na opisyal sa rehiyon at pangungunahan ni Quezon Province governor Danilo E. Suarez. Kasama rin ng Pangulo ang ilan sa kanyang gabinete at iba pang matataas na opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang senior officers ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, at iba pang opisyales ng NTF-ELCAC at miyembro ng Regional Task Force-ELCAC. Kasama rin dito ang ilang mambabatas at mga benipisariyo ng Barangay Development Program (BDP) na iriprisenta ng kani-kanilang mga Barangay Chairmen.
Pahayag pa ni Esperon, bilang dating mayor, alam ng Pangulong Duterte kung papaano pamahalaan ang lokal na pamahalaan at siya ay natutuwa sa desisyong inilabas ng Korte Suprema na pumapayag itaas ang bahagi ng mga local goverment unit (LGUs) sa Internal Revenue Allotment (IRA). Ang IRA sa ngayon ay ibabase na sa lahat ng buwis na nakokolekta ng pamahalaang nasyunal na magreresulta sa mas malaking bahagi na ang matatanggap.
Mangangahulugan na mas kapaki-pakinabang ito sa mga mamamayan, dahil tinatayang 45 porsiyento ang itataas ng IRA simula 2022.
Kanya rin iniulat, na sa larangan ng seguridad, maipagmamalaki na raw ni Esperon na sa Region-IV-A ay tatatlo na lamang na mga Guerilla Fronts ang kanilang binabantayan, dalawa dito ay unti-unti pang napapahina ng mga tropa ng pamahalaan.
Sa Region IV-A, pa rin aniya, ay may 72 projects pa sa ilalim ng BDP, para sa 30 barangays na nalinis na sa pamemeste ng komunistang-terorista.