Advertisers
MALAMYA ang kampo ng oposisyon kung pagbabasihan ang kilos ng partido at mga pulitikong tatakbo sa halalan ’22. Madalang sa patak ng ulan ang paramdam o ano mang uri ng pagpapaalam ng hangarin na masungkit ang pwestong inaasam. Bihira ang mga panayam, bihira ang paglabas, bihirang makita ang pinag-aabalahan o naghihintay ng tamang panahon upang ‘di masayang ang logistika dahil sa kakarampot na pondo. Milya milya ang layo ng nangungunang katunggali kung pagbabasihan ang mga kaganapan na madalas na pinupuntahan ng media. Madulas ang langis at sagana sa gasolina na nagpapakita ng kahandaan sa pinasukang larangan. Hindi kakikitaan ng pagtitipid bagkus sa aga ng laban, sandamukal ang nailalabas na pondo upang pagandahin ang imahe sa balana lalo’t sa mga kabataan na nakatali ang atensyon sa social media. Wala pa man ang aktuwal na kampanya batid o hayag buong kapuluan ang layon.
Materyal at nakalalamang ang may pondo sa labang pinasukan, sa labasan pa lang, bentahe ng masasabi ang ipabatid ang nais sa inaasam na posisyon. Habang ang katungali’y nangangalap ng pantustos heto na ang anak ti Batac na kaliwa’t kanan na ang panayam upang ibida ang plataporma de gobyerno na tinakbuhan ng magiging administrasyon. Hindi nangingimi na makipag-usap dahil batid ang pagnanais ni Mang Juan na malaman kung paano matutulungan ang kabuhayan sa darating na panahon.
Maayos ang lundag sa laban na napaghandaan lalo’t nakikita na hindi lalahok ang malakas na kalaban at tila pumabor dito. Hindi pa bilang ang ilalaan na ayuda galing sa sako-sakong salapi ng IDG na nagsisiguro ng kapanatagan ng buhay sa pagbaba sa’22. At tila hinahanap at inihahanda ng partido PaDaPa kung hindi magbago ang pasya ng inaantabayanan, ang suporta’y hindi ibibigay sa kabscout na walang anino sa halip sa anak ti Batac na naglalaway makabalik sa kapangyarihan.
Sa pagtaya kung sino ang mananalo’y sa nalalapit na halalan, wala pang makapagsasabi subalit nakakalamang ang maagap lalo’t sa pagpapabatid ng pagnanais. Nariyan ang iba’t ibang uri ng pagpapabatid na bumibilog sa isipan ng anak ni Mang Juan na nakatutok sa social media bilang palipasan ng oras. Makikita ang lahat ng uri ng panlilinlang at paninira sa nasisilip na kalaban. Sa totoo lang, laksa laksa ang mga paninirang ginagawa upang gibain ang kredibilidad ng magkatunggali.
Gaya ng pagedit sa mga panayam na nagpapakita ng pangangapa sa sagot ang abalang pangulo sa tanong na ibinabato at sa dulo ipinalabas na kulang sa kaalaman. Nariyan ang mga survey na ipinapakitang malaki ang lamang ng ibig na kandidato. Nariyan ang mga patutsada ng bayarang media personalities na wagas bumatikos sa pinagtutuunan ng kandidato. Nariyan ang lahat ng uri ng propaganda na kung hahayaa’y susunog sa nais na pagbabagong tinatanaw ni Mang Juan.
Dumarami at patuloy na dumarami ang hatak ng anak ti Batac kung pagbabasihan ang social media sa dami ng bayarang trolls. Hindi magkanda uga-ugaga sa bawat lipat o scroll ng cellphone sa dami ng mapapanood na paninira sa abalang pangulo. Na nanaisin na ma-hack ang cellphone ng hindi makita ang mga ito.
Subalit walang pag-aalala sa takbo ng kaganapan dahil batid na ang pagbabagong asam para sa baya’y ang siyang layon ng nakararami. Ang huwag hayaan na magtuloy-tuloy na mabilog ang kaisipan ng mga anak ni Mang Juan ang nais sa dami ng tumutukoy sa social media. Ang paglilinaw sa mga usaping ibinabato’y harapin, sagutin ng mabatid ng manonood ang tama at walang batayan ang mga impormasyon. Ang kawalan ng tugon sa mga putik na ibinabato’y tila mantsa na kung hindi nilabhan ng maaga’y magsisilbing nangungutim sa kaputian.
Hindi pa man opisyal ang kampanya ng magaganap, masasalamin kung paano ito tatakbo pagdating ng takdang panahon. Ang mga balakin kung paano isasagawa tila nakalatag na sa bawat lugar sa bansa. Nariyan ang magandang network at logistics ng anak ti Batac isama pa ang ayuda galing sa naghahanap ng proteksyon sa pagbaba. At huwag magugulat kung magkakaroon ng biglaang kaganapan na magpapalakas sa kalaban ng oposisyon. Ang pagtulong na ibibigay ng IDG baka maging tuwiran sa pagpasok ng mga sorpresa bago ang pinal na palitan. Nasa kanila ang bentahe ng kasalukuyan dahil sa natatanggap na alalay sa pamahalaan na umaasa ng proteksyon sa hinaharap. Ang kaunlaran kuno sa kinabukasan ang susi na magbibigay ng basbas ng bayan sa hinaharap, subalit ito ang bangungot ni Mang Juan sa kinabukasan. At kung manalo’t manunumpa na sa bagong bayan.
Ito ang resulta ng atubiling pagpapasya na napagiwanan sa unang bugso ng karera. Subalit huli man daw at magaling kay Mang Juan mangagaling ang pasya kung sino ang pipiliin. Ang mga nagaganap na patutsada’y mapag-iisipan na sa huling regla ng laba’y ibibigay ang basbas kung sino ang nakalaan. Hindi maawat kung sino ang karapat dapat dahil hindi ang mga trolls ang magpapasya kung hindi ang taong bayan. At ang nakita ni Mang Juan na panunumpa’y isa lamang kaisipan.
Sa tamang panahon ang gising ni Mang Juan sa bangungot na nagbigay alalahanin na kung manalo ang anak ng diktador, dadanasin muli ang nakaraan. Hindi nais na muling danasin ang madilim ng nakaraan sa pagbabalik ng kapangalan ng diktador na lumukob sa kalayaan ng sambayanan. Salamat at panaginip lang ang lahat at maiwawasto ang dapat iwasto ng masiguro na hindi babalik ang bangungot ng nakaraan. Gagawin ang lahat upang mailigtas ang bayan na pinagkaitan ng kalayaan sa mahabang panahon. Hindi na nais pahabain ang karahasan sa kasalukuyan tungo sa kinabukasan. Salamat at panaginip ang lahat maging ang panunumpa sa bagong bayan ng kasumpa sumpang lider na mapagpangap para sa kaunlaran.
Ang bawat kilos ng pamilyang ito’y politika kung saan nagkamal ng yaman mula sa bayan. Ang ayuda ng patron ng Dabaw sa anak ti Batac ang basbas ng kagapian kontra sa nais ni Mang Juan. Ang bangungot sa pagtulog ng pagkapanalo’y ang gumising upang maipag-ibayo ang bawat hakbang sa pagkagapi sa buktot ng bayan. At ang panalo’y isang panaginip na gumising sa diwang magaling na matitiyak na si Leni pa rin…
Maraming Salamat po!!!