Advertisers
KUNG papalaring mahalal na pangulo, sinabi ni Aksiyon Demokratiko standard bearer Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na isa sa unang iuutos niya ay ang pagbawas ng pataw na buwis sa elektrisidad at mga produktong petrolyo.
“Kung papalarin po ako, babawasan ko ng 50 percent ang excise tax sa koryente at sa langis,” sabi ni Moreno sa isang miting kamakailan sa Barangay Banaba, bayan ng Tarlac.
Aniya, malaking ginhawa kung maibaba ang buwis na nagpapabigat ng dalahin ng maraming naghihirap na Pilipino.
“Malaking tulong ito sa lahat, hanggang bundok ng Tralala,” pakuwelang sabi ng alkalde na tinugon ng maraming hiyaw ng paghanga at palakpak ng mga kamiting na higit sa 100 magsasaka, mangingisda, drayber ng pampasaherong behikulo at karaniwang manggagawa.
Paliwanag ni Moreno, madaragdagan ang iuuwing pera ng karaniwang mamamayan kung magbabawas sa singilin sa koryente at langis.
Isa sa nagpapahirap sa karaniwang Pilipino ang malaking pataw sa buwis at kung mababawasan ito, malaki rin ang matitipid sa operasyon ng maliliit na negosyante.
“Additional savings ang mababawas na tax,” sabi ni Moreno. “Marami ang matutulungan sa 50-percent reduction in fuel excise tax at sa electricity, hindi na mahihirapan ang majority of our people, na nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19 pandemic.”
Kung mababawas ang buwis sa langis at petrolyo, maraming tsuper ang makapagpapasada, mas malaki ang iuuwing kita, mas maraming pasahero ang sasakay at makababangon ang ekonomya, paliwanag ng kandidatong pangulo ng Aksiyon Demokratiko.
“Sa paglaki ng kinikita, mas maraming pagkain at may pandagdag na pambili ng basic needs, mga gamot,” sabi ni Moreno.
Paliwanag pa ng kandidatong pangulo ng Aksiyon Demokratiko na totoo na malulugi ang gobyerno sa pagkaltas sa buwis, pero ang tao ang panalo dahil sa malaking pera na kanilang matitipid.
Mas mabuti na magsakripisyo ang gobyerno, kaysa pahirapan ang taumbayan, anang alkalde ng Maynila.
Posibleng malugi ang gobyerno, wika ni Moreno, “pero mas mahalagang tingnan ay ang paglakas ng buying power ng mamamayan at maibabalik ito sa paglakas ng ekonomya ng bansa.”
Paliwanag pa ng presidente ng Aksyon Demokratiko, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong langis ang madalas na dahilan ng paghingi ng sektor sa transportasyon ng dagdag na bayad sa pamahase.
Kasama rin sa pinahihirapan ay mga magsasaka, mangingisda na nagbabayad ng mataas na halaga sa ginagamit na produktong petrolyo sa kanilang mga makinang ginagamit sa pagsasaka at pangingisda.
Apektado ang kita ng mga magsasaka at mangingisda dahil gumagamit sila ng langis at krudo sa mga traktora, kuliglig, bangkang de motor.
“Even their fertilizers and pesticides are by-products of petroleum. Dahil sa taas ng gasolina, lumiliit ang kita ng ating farmers and fishermen,” sabi ni Moreno.
Mas mahalaga ay ang panalo ng mga Pilipino, sabi ni Isko.
“Una kong iuutos na kaltasan ng 50 percent ang excise tax kung ako ay papalarin na inyong maging Pangulo,” sabi ni Moreno.