Advertisers
LUBOS na nagpapasalamat sa patuloy na ibinibigay na tiwala sa kanya ng taongbayan at sa administrasyong Dutertete, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go patuloy rin siyang magpopokus sa kanyang tungkulin bilang isang lingkod-bayan para matulungan ang bansa na makarekober sa masamang idinulot ng pandemya.
Sa isinagawang Pahayag-Quarter 3 survey ng Publicus Asia na isinagawa noong October 11 hanggang 18, si Go ang nais ng 23.6 percent ng respondents na maging pangalawang pangulo ng bansa kung ngayon na isasagawa ang halalan.
Si Dr. Willie Ong ang pumapangalawa sa kanya na nakakuha ng 19 percent, sinundan ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na may 17.3 percent, at napakalayong si Senator Francis “Sana All” Pangilinan na may 12.3 percent.
Sa nasabing ring survey, si Go rin ang nakakuha ng pinakamataas na trust score sa lahat ng senador, kagaya ng Quarter 2 na isinagawa noong Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ang independent at hindi binayarang survey ay binubuo ng 1,500 respondents na kinuha mula sa isang market research panel ng higit sa 20,000 Filipino.
Sa kabila nito, sinabi ni Go na dapat manatiling nakapokus ang mga lider ng bansa sa pagtupad sa kanilang papel na tulungang malagpasan ng bansa ang health crisis, kaysa sayangin ang nalalabing panahon para sa nalalapit na national elections sa susunod na taon.
“Maraming salamat po sa mga kapatid kong Pilipino sa inyong patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa amin ni Pangulong Duterte. Ngunit, ang importante po ngayon ay ang serbisyong ibinibigay natin sa taumbayan — kung paano natin sila maibabangon muli sa kahirapan, paano maiiwasan ang gutom, at paano maipagpapatuloy ang ating pag-unlad,” idiniin ni Go.
“Nasa Pilipino na po ang desisyon pagdating ng panahon. Ako naman po, mula noon hanggang ngayon, ang prayoridad ko ay ang tumulong sa mga nangangailangan,” ayon sa senador.
Tiniyak ni Go na mananatili ang kanyang dedikasyong pagsilbihan ang mga Filipino sa abot ng kanyang makakaya.
“Sila po ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapaglingkod sa kapwa at marating kung saan man po ako nandirito ngayon. Hindi ko sasayangin ang oportunidad na maglingkod sa aking kapwa Pilipino,” ani Go.
Sinabi ni Go na walang dudang siya ay magiging “working vice president” kapag nahalal sa darating na eleksyon.
“Hindi ko sasayangin ang bawat oras, minuto, o pagkakataon na ibinibigay sa akin ng taumbayan na magserbisyo sa aking kapwa. Kapalit ng inyong tiwala at suporta, ibabalik ko sa inyo ang serbisyong may malasakit, tunay at nararapat,” idiniin ng mambabatas.
“Ituturo ko po kung ano po ang natutunan ko kay Pangulong Duterte sa kanyang administrasyon ngayon. Tutulungan ko para maging successful dahil ito ang panahon ng pagtutulungan, ito po ang panahon ng pagkakaisa.”
“Marami po ang nagugutom, marami ang nawawalan ng trabaho, so magtulungan po tayo. I will be a working public servant para sa ating mga kababayan,” sabi ni Go.