Advertisers
INIULAT ng Department of Health (DOH) na bumaba pa sa mahigit 33,000 na lamang ang mga aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa case bulletin #603 ng DOH, nakapagtala pa sila ng 2,605 mga bagong kaso ng sakit sa Pilipinas hanggang nitong Linggo, Nobyembre 7, o mas mababa ng kaunti kumpara sa 2,656 na naitala ng DOH noong Nobyembre 6.
Dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 2,803,213 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 33,526 na lamang ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman. Ito ay 1.2% na lamang ng total COVID-19 cases sa bansa.
Kabilang naman sa active cases ang 66.0% na nakakaranas ng mild symptoms, 15.41 % na moderate cases, 9.0% na severe cases, 5.7% na asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 3.8% na kritikal.
Mayroon ding 3,901 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,725,257 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.2% ng total cases.
Mayroon pa rin namang 191 pasyente na namatay dulot ng COVID-19.
Sa kabuuan, nasa 44,430 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.58% ng total cases.
Sa ngayon, dalawa lamang sa lahat ng COVID-19 operational laboratories ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa CDRS. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)