Advertisers
PINAG-IISIPAN na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabalik ng number coding scheme ngayong nasa alert level 2 na ang COVID-19 status sa National Capital Region (NCR).
Pahayag ito ni MMDA Chairman Benhur Abalos, kasunod ng pagdaming muli ng mga motoristang gumagamit ng EDSA at iba pang pangunahing lansangan.
Sa pagbibilang ng ahensya, mahigit 400,000 na ang dumaraang sasakyan kada araw sa pangunahing lansangan at kulang na lang ito ng 5,000 para maabot ang dating bilang ng mga bumabiyahe bago tumama ang pandemya.
Sinasabing isa sa rason kaya hindi agad ibinalik ang number coding ay dahil ito umano ang ginagamit ng ilang employee para makapasok sa kanilang trabaho, lalo na ang ilang frontline workers.
Marami kasi ang natatakot pa ring sumakay sa public transport system dahil nananatili pa rin ang nakakahawang COVID-19.
Sa kabila nito, hinimok ng opisyal ang publiko na iwasan pa ring lumabas kung hindi naman lubhang kailangan.