Advertisers
LUTANG na lutang na ang pagtaas ng antas ng pagtanggap ng publiko kay Partido Reporma chairman at 2022 elections standard bearer Panfilo “Ping” Lacson, ayon narin ng mga numerong naitala niya sa mga survey na isinagawa kamakailan lamang.
Pinakahuling naglabas ng datus ay ang Catholic-owned Radyo Veritas. Nakapagtala si Lacson ng 19 puntos sa survey na isinagawa sa pagitan ng Oktubre 1-31 ng kasalukuyang taon na may temang Respondent’s Perception of Who Among the Current Presidential Aspirants Adheres to Catholic Values and Beliefs.
Bago ito ay nakapagtala ng 68 porsiyento si Lacson sa naunang surbey ng grupong Power of Truth Halalan 2022 na inumpisahan noong Oktubre 22 at nagtagal ng anim na araw na sumakop ng 2 libong respondents sa tanong na “Who is your Presidential Bet for 2022 National Elections?”
Bagama’t pumangalawa sa kanya sina Ferdinand Marcos, Jr., at independent candidate na si Vice President Eleonor Robredo, malayong malayo naman ang naitala nitong numero na umabot lamang sa 12 porsiyento kasunod sina Isko Moreno at Manny Pacquiao na kapwa lamang nakapagtala ng 3 porsiyento.
Bago ang nabanggit na dalawang pinakahuling surbey, nakakopo naman si Lacson ng 12.5 porsiyento sa Pulso ng Pilipino pre-election survey na isinagawa ng Issues and Advocacy Center (The CENTER) mula Setyembre 27 – Oktubre 8, 2021.
Ang nabanggit na numero, ayon sa The Center, ay nagpapakita ng lakas sa Luzon at Visayas, na unang naitala ni Lacson dahil sa mga naunang surbey sa kasalukuyang taon, siya ay nakapagtala ng 4 porsiyento at sa sumunod ay 8 porsiyento.
Ang surbey ay nagtanong sa 2,400 respondents sa buong bansa.
Sa sistema ng The Center, hindi isinama sa mga pagpipilian ang pangalan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio dahil hindi ito naghain ng certificate of candidacy (COC) at sinasabing talagang wala nang kaplano-plano pang sumabak sa pampanguluhang halalan sa sunod na taon.
Positibo namang tinanggap ng Partido Reporma ang mga nabanggit na resulta ng survey dahil nagpapakita lamang ito na nasa tamang direksyon ang kanilang pangangampanya sa kabila ng kakaibang galawang pampolitikal sa bansa sa kasalukuyan.
Bukod sa magandang impresyon ng mga naturang surbey, inaasahang titibay ang pundasyon ni Lacson sa Mindanao dahil sa naganap na malawakang lipatan ng mga politiko sa Davao Del Norte sa Partido Reporma mula sa ibang partido na kinabibilangan maging ng PDP Laban.
Sina Davao Del Norte Governor Edwin Jubahib, Secretary-General ng Reporma, at dating Speaker Pantaleon D. Alvarez na presidente ng Partido na kinatawan ng unang 1st distrito ng lalawigan, ay parehong kaalyado ni Lacson.