Advertisers
BINAWI ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kanyang re-election bid sa 2022 elections.
Nitong Martes ay inianunsyo ni Sara ang kanyang desisyon na i-withdraw ang kandidatura sa pagka-alkalde ng Davao City.
Aniya, si Vice Mayor Baste Duterte ang papalit sa kanya habang nominado sa pagka-Bise Alkalde si Atty. Melchor Quitain.
Nag-withdraw din ng kandidatura sa pagka-bise alkalde si Vice Mayor Duterte upang pormal na humalili sa kanyang kapatid.
“Ngayong hapon wini-withdraw ko ang aking kandidatura sa pagka-Mayor ng Davao City. Si VM Baste ang papalit sa akin. Si Atty. Melchor Quitain ang nominado namin sa pagka-Bise Alkalde. Ito lamang po muna. Maraming salamat po,” ayon kay Sara.
Magugunitang ilang grupo ang nanawagan na tumakbo bilang Pangulo si Sara, na posible naman sa pamamagitan ng substitution na pinapayagan ng Commission on Elections hanggang Nobyembre 15.
Sa umiiral na election rules, pinapayagan ang substitution kung manggagaling sa iisang political party ang kandidato na ipapalit sa nag-withdraw na kandidato. (Jonah Mallari/Josephine Patricio)