Advertisers

Advertisers

Sa pag-atras ni Sara sa Davao City mayoral race… ‘SANA HINDI AKO MASAGASAAN’ — BONG GO

0 589

Advertisers

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na ayaw muna niyang magbigay ng espekulasyon sa plano ng pamilya Duterte kasunod ng pag-atras ng kandidatura ni Mayor Sara Duterte sa Davao City mayoral race sa 2022 elections kasabay ng pagsasabing nananatili ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng ruling party PDP-Laban na tumakbo siya sa vice presidential race.

“Ayoko munang mag-speculate ‘no kung ano ‘yung plano ng pamilya at ako naman po ay may partido kasama si Pangulong Duterte, desisyon niya po ito, at desisyon ng partido na tumakbo po ako na bise presidente,” sabi ni Go sa ambush interview matapos siyang personal na mamahagi ng ayuda sa mga residente ng Antipolo City kamakalawa.

“So, ibig sabihin, 39 days na po since I filed my candidacy as a vice president last October 2. Binoto po ako ng tao (noong 2019), mahigit 20.6 million Filipinos ang bumoto sa akin,” aniya.



Sinabi ni Go na anuman ang maging desisyon ng Duterte family at ng kanyang partidong PDP-Laban ay “huli na siya sa kanilang magiging alalahanin”.

Ipinayo rin niya sa publiko at mga tagasuporta na maghintay na lamang kung ano ang mga mangyayari sa susunod na mga araw.

“Unang-una, mahal na mahal ko po si Pangulong Duterte, may utang na loob po ako sa kanya, at mabigat po sa amin mga Bisaya ‘yung utang na loob, diyan ko po natutunan sa kanya ‘yan, at ayaw ko po siyang bigyan ng sakit ng dibdib dahil lang sa pulitika,” ani Go.

“Sabi ko nga, I’m the least of their worries. Basta isa lang naman ang layunin ko, nabanggit ko kanina ang layunin ko lang naman po ay magserbisyo sa kapwa ko Pilipino kahit na anong kapasidad po, patuloy po akong magseserbisyo,” idinagdag ng senador.

Nitong Martes ay iniatras ni Mayor Sara ang kanyang reelection candidacy sa Davao City. Iniatras din ni Vice Mayor Sebastian Duterte, nakababatang kapatid ni Sara, ang kanyang reelection candidacy para siya ang tumakbong mayor sa Davao City.



Samantala, hindi naitago ni Senator Go na maging emosyonal matapos magtalumpati si Antipolo Mayor Andrea Ynares at dating Governor Casimiro Ynares lalo nang kanilang ipahayag na si Go ang pinakakuwalipikado sa vice presidency, bukod sa umaapaw na suportang ibinubuhos sa kanya ng taongbayan.

“Alam nyo, naging emotional po ako dahil nakikita, kanina nakita ko ‘yung mga tao naghahawak ng placard, na na-appreciate nila. Sabi ko hindi nyo naman po kami kailangang pasalamatan dahil trabaho naman po namin ‘yan,” sabi ni Go.

“Na-touch po ako doon sa sinabi ni Mayor na kahit pa nagtatrabaho po ako ng tahimik ay nakikita rin pala nila, naa-appreciate nila na nagtatrabaho at syempre gusto ko pa rin pong makatulong. Wala naman po akong interes dito sa trabahong ito kung hindi magserbisyo lang po sa aking kapwa Pilipino,” idinagdag niya.

Ayon kay Go, ayaw niyang mag-espekulasyon na dahil sa pag-atras ni Mayor Sara sa Davao City mayoral race ay maaapektuhan ang kanyang vice presidential bid.

Sinabi ni Go na naaawa lamang siya sa kanyang mga tagasuporta na nagbigay na ng kanilang oras at panahon sa paghahanda sa kanilang kampanya.

“Naging emosyonal po ako doon na kung sakaling may changes po, kung saka-sakali may mga movements because of this substitution issue, kung mayroon mang pagbabago.”

“Nalulungkot lang po ako, lalung-lalo na po para sa mga supporters natin na nagpagod na po na walang kapagurang sumusuporta, naniniwala, umiikot sa buong Pilipinas para hikayatan at ipaalam sa taumbayan ang kandidatura ko, nalulungkot po ako para sa kanila sa mga naniniwala sa akin,” ayon sa senador.

Sinabi ng senador na umaasa pa rin siya na “may magandang mangyayari”.

“Ibig sabihin sana po’y sabi ko nga sana walang masagasaan at sana po’y hindi rin po ako masagasaan. Kung saka-sakali man pong masagasaan ako, ayaw ko po na magiging sakit ng dibdib ng taong mahal ko si Pangulong Duterte,” ani Go.