Advertisers

Advertisers

MODERNONG CANCER HOSPITAL IPINANGAKONG IPATATAYO NI ISKO

0 303

Advertisers

MALAKING pagbabago sa buhay at kinabukasan ang pag-asang iniwan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa 500 residente ng San Jose Heights relocation site, Barangay Muzon sa San Jose Del Monte City, Bulacan kamakailan.

Sa ‘Listening Tour’ na ito, sinariwa ni Mayor Isko sa mga kaharap na mga dating kapitbahay at kababata ang hirap ng buhay na naranasan niya noong kanyang kabataan.

“Ang hirap na dinaranas nyo ngayon, naranasan ko rin ‘yan noong kabataan ko. Wag kayong mawawalan ng pag-asa, basta magtiwala tayo sa ating sarili, magtiwala sa awa ng Diyos, gaganda rin ang ating buhay,” sabi ni Yorme Isko.



Kung susuwertihin na manalong pangulo sa halalan sa Mayo 2022, ipinangako ni Yorme Isko na maglalaan sila ng katiket sa pagka-bise presidente na si Doc Willie Ong ng Ph 2.5 bilyon para makapagtayo ng isang modernong Cancer Hospital.

“Atin pong kukumpletuhin sa mga modernong medical machine, laboratory facilities ang public hospital para sa mga cancer patient, pati ang lahat ng public hospital sa buong bansa, atin pong aayusin nang magkaroon ng pupuntahan ang mga kababayan nating mahihirap na doon mabibigyan sila ng free medical services,” sabi ni Yorme.

Hindi imposible ito, sabi ng alkalde, dahil ginawa na niya ito sa Maynila.

Moderno na ang kagamitan sa anim na ospital sa siyudad at malapit na ring matapos ang modernong Ospital ng Maynila, bukod ang naipatayong COVID-19 hospital sa Quirino Grandstand sa Luneta.

“Hindi na nyo magiging problema kung may magkasakit sa inyo, may mapupuntahan kayo na ospital na aasikaso sa maysakit nyong mahal sa buhay,” sabi ni Moreno.



Ipinangako rin ng kandidatong pangulo ng partido Aksyon Demokratiko na itutuloy niya ang “Build, Build, Build program” ng kasalukuyang administrasyon para makalikha ng libo-libong trabaho.

Tutulungan din niya na maibangon ang mga negosyo at industriyang naapektuhan ng krisis na dala ng pandemya.

“Trabaho, hanapbuhay, pabahay, ‘yan ang ating uunahin upang magkaroon kayo ng magandang buhay sa susunod na dalawang taon ng aming panunungkulan, … basta magkaisa lamang tayo, gaganda po ang ating kinabukasan,” pangako ni Yorme Isko sa mga dating kababata at kapitbahay sa Tondo.

Ibinalita rin ng alkalde na namamahagi na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng gamot na Molnupiravir para sa pasyenteng may bahagyang sintomas ng COVID-19.

“‘Wag po kayong mag-alala, ginagawa natin ang lahat para sa inyong kaligtasan at kapanatagan laban sa sakit. Asahan nyo, lagi ang aming pag-alalay sa inyo,” sabi ni Yorme Isko Moreno.

Samantala, upang hindi makadagdag sa masikip na daloy ng trapiko sa kainitan ng nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan, pansamantalang ititigil ang ‘Blue Wave Caravan’ ng Team Isko at ibabalik lamang ito sa unang linggo ng Enero 2022.

Ito ang naging panawagan ni Team Isko Campaign Strategist Lito Banayo sa lahat ng motorcade na nakaplanong isagawa ng mga tagasuporta at volunteer ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.

Ipinaliwanag ni Banayo na ayaw ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na makadagdag pa sa matinding trapiko na nararanasan ng mga motorista ngayong inilagay na sa Level 2 alert status ang Metro Manila.

“Alam natin marami nang tao ang nagkakagulo sa pagsa-shopping sa mga malls at sa Divisoria kaya ine-expect na natin ang grabeng trapik. Kaya we appeal to all our supporters and volunteers to hold off their motorcades until the first week of January 2022,” pakiusap ni Banayo.

Nitong Nobyembre 14, mahigit sa 500 kotse at 5,000 nakamotorsiklo ang sumali sa ‘2nd Blue Wave Caravan’ sa Metro Manila na sinundan noong Nob. 21 ng libo-libo ang nakamotorsiklo sa ‘Blue Wave Caravan sa Butuan City na nagpakita ng mainit na suporta sa kandidatura ni Yorme Isko.

Nagkaroon din ng katulad na motorcade sa Cebu City noong Nob. 14.

Unang nasaksihan ang malawak at matagumpay na ‘Blue Wave Caravan’ ng Team Isko noong Oktubre 24 na isinabay sa ika-47 na kaarawan ni Yorme Isko at ika-58 kaarawan din ni Doc. Willie Ong.