Advertisers
SINITA ni OPM legend Freddie Aguilar ang mga supporter ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagnakaw umano ng sinulat niyang kanta na “Ang Lider 2022’ na kabilang sa serye ng mga awit mula sa mga Pinoy music icon para sa YouTube channel na “We Need a Leader 2022”.
“May nagpapakalat sa social media na yung kantang sinulat, kinanta, at tinugtog ko na “We Need A Leader, 2022” ay tumutukoy daw kay Bong Bong Marcos Jr.,” pahayag ni Aguilar sa isang post sa social media account niya kahapon.
Giniit ng tanyag na Pinoy folk musician na hindi ito totoo at ninakaw pa ang kanyang sinulat na kanta. Aniya, “Inedit lang nila yung music video na walang paalam sa gumawa at inangkin nila. Kumbaga ninanakaw nila yung kanta.”
Pakiusap ni Aguilar sa mga kampo ng kandidato para sa paparating na halalan, “’Wwag naman sila ganyan. Gamitin nila yung sa kanila, wag yung hindi sa kanila.”
Unang na-upload sa YouTube ang kantang ‘Ang Lider 2022’ noong Pebrero 15, 2021 na umani na ng mahigpit 1.5 milyong views.
Sa lyrics nito, sinabi ni Aguilar na sa panahon ng pandemya kung saan bagsak ang ekonomiya at mabibigat ang mga problema na kinakaharap ng bansa, kinakailangan natin ng susunod na pangulo na may talino at kakayahang mamuno.
“Ang presidente ko’y may utak, may paninindigan s’ya ay tunay na leader. May bayag at matapang. May prinsipyo, may puso at damdamin sa tao,” bahagi ng nasabing kanta.
Nang unang mapanood ang music video, maraming netizens ang agad nagsabi na si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang tinutukoy niya dahil isinusulong ng mambabatas ang gobyerno na may utak at tapang.
Gayunman, sa nakalipas na mga linggo matapos ang opisyal na pagsasara ng Comission on Elections (Comelec) sa deadline ng certificate of candidacy at substitution, naglipana muli sa social media ang kanta ni Aguilar na inuugnay na kay presidential aspirant Marcos Jr.
Siningit sa pagkanta ni Aguilar ang iba’t ibang video at larawan ni Marcos Jr. na tila gustong ipakita na ito ang kandidato ng singer.
Samantala, ang YouTube channel na “We Need a Leader 2022” ay isinusulong ang adbokasiya ng voter education drive na sentro ng mga inilabas nilang awitin.