Advertisers
KINILALA ni Senator Christopher “Bong” Go ang dedikasyon at sakripisyo ng agricultural workers sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain at pagbangon ng ekonomiya ng bansa sa harap ng patuloy na krisis pangkalusugan.
Sa kanyang video message sa relief operation sa tinatayang 650 rice farmers sa San Luis, Agusan del Sur, muling iginiit ni Senator Go sa pamahalaan na magpatupad ng ikabubuti at magpo-promote ng kapakanan ng mga manggagawa sa sakahan, partikular ng small-scale farmers.
“Food security is an integral element of our national security. Hungry people are angry people. Having said this, we will continue to build agriculture support systems and infrastructure, such as farm-to-market roads,” idiniin ni Go.
Ang grupo ni Go ay nagsagawa ng distribution activity sa San Luis Amphitheater kung saan ay namahagi sila ng ayuda sa mga magsasaka. Nagbigay din sila ng computer tablets at bisikleta sa ilang benepisyaryo.
Ang mga tauhan naman ng Department of Agriculture ay nag-abot ng financial assistance sa pamamagitan ng Rice Farmer Financial Assistance program nito.
Nagsagawa naman ang Department of Trade and Industry at ang Technical Education and Skills Development Authority ng ebalwasyon sa mga potensiyal na benepisyaryo sa kani-kanilang livelihood and scholarship programs.
“Kung may maitutulong kami sa inyo, magsabi lang kayo. Huwag kayong mahiya lumapit sa amin dahil trabaho namin ni Pangulong Rodrigo Duterte na magserbisyo sa inyo. Patuloy din tayong magbayanihan at magmalasakit sa ating kapwa upang malampasan natin ang mga pagsubok na hinaharap natin,” sabi ni Go.
Sa Mutia, Zamboanga del Norte ay umaabot naman 2,612 magsasaka ang inayudahan din ng opisina ni Go sa isinawang relief operation sa municipal gymnasium.
Sinabi ni Go sa mga magsasaka kung gaano sila kahalaga sa bansa lalo ngayong panahon ng pandemya kung kaya ang sektor ng agrikultura ay dapat pang palakasin.
“Lalo na sa panahon ngayon na apektado ng krisis ang ating ekonomiya, ‘back to basics’ tayo. Nakita natin ngayon kung gaano kahalaga ang agrikultura sa ating bansa at sa ating kabuhayan.”
“Mabilis pong maibabalik ang sigla ng ating ekonomiya kung palalakasin natin ang sektor ng agrikultura sa ating mga probinsya kung kaya dapat mas palakasin ang mga programang pwedeng magturo at sumuporta sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang kabuhayang pang-agrikultura,” ani Go.