Advertisers

Advertisers

MAG-AMONG DIGONG AT BONG ATRAS NA SA KANDIDATURA

0 330

Advertisers

PORMAL nang binawi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang kanyang presidential bid para sa May 9, 2022 national and local elections.

Nagtungo si Go sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes ng umaga sakay lamang ng taxi upang tuluyan nang i-withdraw ang kanyang kandidatura sa pagka-pangulo.

“Meron po akong isang salita,” ayon pa kay Go, nang makapanayam ng mga mamamahayag.



Matatandaang una nang inianunsiyo ni Go ang kanyang planong pag-urong sa eleksiyon noong Nobyembre 30.
Tinukoy pa ni Go na ang pagtutol ng kanyang pamilya sa kanyang kandidatura ang dahilan ng kanyang desisyon.

Ayaw din umano niyang mailagay pa ang Pangulong Duterte sa mahirap na sitwasyon.
Ayon sa senador, si Pangulong Duterte lamang aniya ang nakakaalam sa kanyang pagtungo sa Comelec mula sa kanilang bahay.

Maging ang kanyang security escort at driver ay hindi alam na nagtungo ito sa Comelec para pormal na ihain ang kanyang withdrawal.
Nobyembre 30 nang maghain si Go ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-pangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), sa pamamagitan ng substitution.

Samantala, nag-withdraw na rin ng kanyang certificate of Candidacy (CoC ) sa pagka-senador sa 2022 national elections si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pagwi-withdraw ng kanyang senatorial bid ay personal na ginawa ni Pangulong Duterte nitong Martes, sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) o ilang oras lamang matapos ring mag-withdraw ng kanyang presidential bid ang kanyang long-time aide at Senador na si Christopher “Bong” Go.



“The President has filed his withdrawal from the Senatorial elections,” pagkumpirma pa ni Comelec spokesperson James Jimenez, sa kanyang Twitter account, kung saan niya ipinaskil ang larawan ng pangulo habang inaasikaso ng mga tauhan ng poll body.

Matatandaang una nang sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang tumakbo sa pagka-bise presidente ngunit malaunan ay sinabing nais na niyang magretiro sa politika sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.

Gayunman, binawi nito ang kanyang sinabi at naghain ng kandidatura sa pagka-senador noong Nobyembre 15 sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), sa pamamagitan ng substitusyon. (Andi Garcia/Mylene Alfonso/Jocelyn Domenden/Vanz Fernandez/Josephine Patricio)