Advertisers

Advertisers

PAGDATING NG DONASYON SA SINALANTA NI ODETTE, TULOY-TULOY

0 347

Advertisers

TAOS-SA-PUSO na pasasalamat ang ipinaabot ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa tuloy-tuloy na pagdating ng mga tulong at donasyon – na salaping cash, pagkain at iba pa – mula sa mga kababayang may malasakit at maawaing puso para matulungan ang libo-libong pamilyang pininsala ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.

Kasalukuyan ay abalang-abala ang mga boluntaryo ng Team Isko sa pagrerepake ng mga supot ng bigas, de-latang pagkain, mga damit at kahon-kahong donasyon sa repacking station ng Aksyon Demokratiko sa P. Noval Street, Maynila.

Nitong Biyernes, nanawagan si Yorme Isko sa mga tagasuporta at boluntaryo na magkaloob ng tulong sa inilunsad na “Tulong ng Manilenyo sa mga Nasalanta ni Odette” at pakiusap sa mamamayang Manilenyo at mga negosyante na magbigay ng donasyon bilang ayuda sa mga sinalanta ng malakas na bagyo.



“Maraming Salamat sa mga nagpadala ng tulong! Tuloy-tuloy po ang ating isinasagawang Bayanihan para sa mga kababayan nating nasalanta ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao,” sabi ni Isko sa kanyang Facebook page.

Pinasalamatan rin ni Yorme ang City Council at si Vice Mayor Dr. Honey Lacuna sa mabilis na pagpasa ng isang resolusyon na naglaan ng P2.5 milyong tulong sa mga sinalanta ng bagyo sa Cebu (P1 million), Bohol (P500,000), Leyte (P500,000), at Surigao del Norte (P500,000).

Kilala si Yorme Isko sa mabilis na kilos na tulong sa mga biktima ng kalamidad, sabi ni Vice Mayor Lacuna.

Tumulong noon ang alkalde sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano, sa mga binaha sa Cagayan at Marikina, at sa maraming pang nangailangan ng donasyon.

Nitong Sabado, personal na iniabot ni Yorme Isko kay Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ang mga kahon ng gamot at bitamina, at kalakip nito ang P1 milyon na ambag ng pamahalaang lungsod sa mga biktima ng bagyo sa lalawigan.



Dagdag dito, P1-milyon na personal na donasyon ang ibinigay ni Yorme Isko sa gobernadora upang maitulong sa relief operation ng Kapitolyo.

Nakipagkita rin si Yorme Isko kina Cebu City Mayor Michael Rama, Vice Mayor Donaldo Hontiveros at Councilor Edu Rama at personal na iniabot ang mga kahon ng bitamina at medisina para sa mga biktima ng bagyo na nasa evacuation centers.

“Salamat at kami sa Metro Manila at sa Luzon ay nakaligtas sa Bagyong Typhoon Odette. Umaapela ako sa may mabubuting-pusong Manilenyos na mag-ambag ng makakaya nila para sa ating mga kapatid sa Visayan at Mindanao na labis na sinalanta ng bagyo,” sabi ni Yorme Isko.

Para sa mga donasyong pagkain, dalhin sa no. 813 P. Noval St. kanto ng Sergio H. Loyola, Sampaloc, Manila.

O tumawag sa: 0969-4596261; 0969-4596262; 0927-7971723, at hanapin si Ms. Marissa David.

Para sa cash donations, magdeposito sa PNB Account No. 167770003504, Account Name: Kaagapay ng Manileno Foundation, Inc.