Typhoon hit areas nilibot nina PRRD, Bong Go

Advertisers
INIKOT at ininspeksyon nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher “Bong” Go ang mga lugar sa Cebu at Bohol na malubhang nasalanta ng bagyong Odette nitong Linggo.
Ang Pangulo at si Go, kasama ang mga pangunahing opisyal ng pamahalaan, ay nagtungo sa Argao, Cebu upang alamin ang lawak ng pinsala ng bagyo kasabay ng pamamahagi ng tulong sa mga bakwit sa Argao Sports Complex.
Matapos nito ay tumuloy sila sa Inabanga, Bohol kung saan din sila nakipagpulong at nagbigay ng tulong sa mga apektadong residente.
“Kahapon ay binisita namin ni Pangulong Duterte ang bayan ng Argao sa Cebu at Inabanga sa lalawigan ng Bohol. Nakipagpulong kami sa mga opisyal doon upang masigurong matutugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima, lalo na pagdating sa pagkain, tubig, gamot, kuryente, at telecommunication services,” ani Go.
Suportado ang direktiba ng Pangulo, sinabi ni Go na kailangang agad na maibalik ang koryente at telecommunications sa mga sinalanta ng bagyo para na rin sa wasto at maayos na koordinasyon ng mga kinauukulang ahensiya sa pagdadala ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
“Sa aming mga nakita, talagang malaki ang pinsala ng bagyong dumaan. Kritikal na maayos kaagad ang mga nasirang kalsada at tulay at magsagawa ng clearing operations upang mas mabilis makapasok ang mga rescue and relief vehicles, personnel and goods,” ayon kay Go.
“Kailangang maibalik kaagad ang kuryente at telecommunications upang mas mapabilis ang coordination ng mga field personnel at maging ng mga kababayan nating kailangang makausap at makumusta ang kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag niya.
Anang senador, nagbigay rin ng dagdag na diretiba si Pangulong Duterte sa mga ahensya, katulad ng paggamit ng mga Quick Response Funds nila; pagbibigay ng housing assistance, mga materyales sa pagtatayo ng damaged houses; tulong para sa nasirang mga bangka ng mga mangingisda at iba pang agricultural machineries; repair ng mga nasirang gusali, tulay, paliparan, daungan, kalsada at iba pa; community tents bilang temporary evacuation centers; pagkain, tubig at gamot; at food-for-work, cash-for-work at iba pang mga programa upang maibangon muli ang kabuhayan ng mga nasalanta.
Inatasan ng Pangulo ang government finance managers na tiyakin ang availability ng pondo ng mga ahensiya para sa response and rehabilitation efforts , gayundin sa pagbibigay ng calamity funds sa mga apektadong local government units.
“Agarang nagpahanda ang Pangulong Duterte ng dagdag na pondo para sa mga ahensya na pangunahing tumutugon sa krisis at pati rin sa mga apektadong LGUs. Hangad ng Pangulo na pabilisin ang restoration of normalcy as soon as possible,” ani Go.
Ayon pa sa senador, inihanda na rin ang MARINA, Philippine Navy, Coast Guard, Army, Air Force at iba pang frontliners para tumulong sa rescue and recovery operations at masigurong makakarating ang mga relief items, equipment at essential personnel sa mga apektadong lugar.
Magpapadala rin ang DOH ng dagdag na mga gamot, medical equipment at health personnel para maalagaan ang kalusugan ng evacuees.
“Nakakalungkot ang nangyari na habang unti-unti na nating nalalampasan ang pandemya ay maraming mga kababayan naman natin ang naging biktima ng bagyong Odette. Papalapit na ang Pasko at ang Bagong Taon ngunit panibagong pagsubok na naman ang dumating sa ating bansa. Gayunpaman, nakikita kong nananatiling matatag ang diwa ng bayanihan na nagbibigay ng lakas at pag-asa sa ating mga Pilipino,” ayon kay Go.