Advertisers
Arestado ang isang dating sundalo at dalawang iba pa habang halos P7M o kabuuang P6.8 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa mga ito sa isinagawang operasyon sa Zamboanga City nitong Linggo.
Kinilala ang mga suspek na sina Jaafar Ekong, 51, dating sundalo na nag-AWOL at isa ding high value target kontra iligal na droga; Darwisa Ibbo, 48; at Toto Samson, 32, pawang residente ng Barangay Tulay, Jolo, Sulu.
Sa ulat na ipinadala ni Police Major Shellamie Chang, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang pagdakip sa mga suspek 6:38 ng umaga nitong Linggo sa Purok 11 Phase 1 Lobregat Village Upper Calarian, Zamboanga City.
Isang police poseur buyer ang nakabili ng shabu sa mga suspek gamit ang boodle money na nagkakahalagang P1.5 milyon at isang tunay na P1,000 bill na nasa unahan ng boddle money.
Nakuha sa mga suspek ang tinatayang isang kilo ng shabu na nagkakahalagang P6.8 milyon.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga naaresto.