Advertisers
HINDI na bago kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na laging dehado sa mga laban niya sa politika.
Ito ang reaksiyon ni Yorme Isko, kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko na lumanding lang siya sa ikatlong puwesto sa huling survey ng Pulse Asia noong Disyembre 1-6.
“Thank you very much po. At least, andudun lang, dire-diretso lang, kahit tayo ay pipitsuging kandidato,” sabi ni Yorme Isko sa media matapos ang pagtataas ng watawat nitong Lunes sa Manila City Hall.
Basta ang Team Isko, sabi niya ay lagi lang nakapokus sa pag-iikot sa maraming probinsiya sa bansa.
“Focus ko lang, umikot nang umikot, …we will try to reach as many people as possible, and hopefully, may awa ang Diyos, we will win,” sabi ni Yorme Isko.
Sa survey ng Pulse Asia, nakakuha lang si Yorme ng 8 percent rating, katulad ni Sen. Manny Pacquiao.
“Maski naman noon, lagi akong underdog. Pero laban lang tayo nang laban, It’s always like that, pipitsugin,” sabi ni Yorme Isko.
Aminado ang alkalde na wala siyang bilyon-bilyong piso tulad ng ibang kandidatong pangulo.
Hindi siya masalapi at lumaki sa hirap, naging basurero, pedicab driver at sinuwerte sa showbiz at bunga ng tiyaga at pagsisikap, nagawang maiangat ang buhay.
“Ako naman, basta tayo, kung ano ang nakikita sa Maynila ng mga tao, yun ang gusto nating gawin sa bansa kung tayo ang manalong pangulo.”
Dahil sa masinop, maayos at matapat na paglilingkod naiayos, napaganda at naiangat niya ang Maynila, sabi ni Yorme Isko.
“‘Yan ang prinsipyo ko. Mula sa pagiging ‘dugyot’ city, we became competitive in the world. Hindi ito salita lamang, nakikita naman ito ng mga tao. Naging malinis, maayos, nagka-gobyerno ang Maynila. Panatag ang tao, mababa ang krimen. As you can see, records will show,” paliwanag ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Ilan sa kamangha-manghang nagawa ni Yorme Isko ay ang sumusunod: ang modernong Ospital ng Maynila, pabahay sa mahihirap na tulad ng Tondominium at Binondominium, moderong 10-storey public school buildings, maayos na serbisyo sa mga senior citizen, ayuda sa mga batang estudyante, alawanses sa mga guro ng publikong paaralan, gamit sa pag-aaral tulad ng tablet, at free bandwidth at maraming iba pa.
Lumago ang negosyo sa Maynila sa liderato ni Yorme Isko na umabot sa P123 bilyong investment sa unang taon at P147 bilyon sa ikalawang taon.
Noon, umabot lamang sa P20-30 bilyon ang taunang inbestment sa Maynila.
Kahit pinepwerwisyo ng pandemyang COVID-19, tuloy-tuloy ang paglago ng ekonomya na napakikinabangan ng tao, paliwanag ni Yorme Isko.
Kaya kung ano ang nagawa niya sa Maynila, magagawa at maduduplika niya sa bansa, taumbayan, mamamayang Pilipino ang makikinabang.
Pagmamahal, pagmamalasakit sa karaniwang pamilyang Pilipino ang dahilan kaya tumatakbo siyang pangulo sa Mayo 2022.
Isang matapat na paglilingkod ang iniaalok niya sa taumbayan at ang makataong pagnanais na baguhin ang sistema ng pamamahala ang ibibigay niya, kakaiba sa gobyernong pinamunuan ng elitistang politika sa nakalipas na 60 taon.
Ang adhikaing ito ang ipinalalaganap ng kanilang partido, kasama si Doc Willie Ong na kandidatong bise presidente at mga kandidatong senador Dr. Carl Balita, Samira Gutoc at Jopet Sison.
Sa ginagawang “Listening Tour”personal sila na nakikipag-usap at nakikinig sa magsasaka, mangingisda, manininda, karaniwang trabahador, sa mga tambay at masa sa mga siyudad at kanayunan.
Sabi pa ni Yorme Isko, patuloy siya na bababa sa komunidad, sa mga bukirin, sa mga palaisdaan, sa población, sa siyudad, sa barangay.
” Gusto ko makinig sa taong bayan, makipag-usap sa taong bayan. Sa pakikinig sa kanila, marami akong natututunan,”sabi ni Yorme Isko.
Umaasa si Isko sa awa ng Diyos at sa tulong ng tao, mananalo siya.
“Sa awa ng Diyos, sa tulong nyo, pag pinalad tayo, magkakaroon kayo ng mainam, masinop at episyenteng pamahalaan. Tao muna. Dahil kayo lang ang pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob – tao, tao, tao,” sabi ni Yorme Isko.