Advertisers
SERYOSONG mensahe laban sa lahat ng uri ng mga magnanakaw ang pambungad ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa Bagong Taon.
Aniya, laganap parin ang mga magnanakaw sa bansa hindi lamang sa kalye ngunit maging sa pamahalaan, pero sa susunod na taon kung magkakaisa at magtutulong-tulong ang bawat isang Pilipino lahat sila ay tiyak na mauubos.
Ang nabanggit na napakasamang kaugalian ng panlalamang ay ipinapangako ni Lacson na kanyang wawakasan sa 2022 kung mahahalal na susunod na pangulo pagkatapos ng May 9 national elections.
Sa kanyang maikling mensahe para sa Bagong Taon, hinayag ni Lacson kung gaano siya kaseryoso sa paglaban sa mga magnanakaw sa tulong ng mamamayan.
Aniya, “Ang dami paring magnanakaw – sa kanto, sa negosyo, sa gobyerno. Sa 2022, kung magtutulong-tulong tayo, ang pagnanakaw, tapos. Ang magnanakaw, ubos.”
Sa pagtatapos ng maikling video, nakalagay ang hastag nitong: “Uubusin ang Magnanakaw” (#UubusinAngMagnanakaw) na ngayo’y humahamig ng maraming comments at like sa Facebook page ni Lacson, maging sa social media.
Hindi lang maliliit na kriminal na nambibiktima sa mga kalye ang tinutukoy ng batikang lingkod-bayan, dahil hagip din dito ang mga malalaking negosyante na umiiwas sa buwis o nagpupuslit ng mga kalakal sa bansa, gayundin ang mga corrupt na opisyal ng pamahalaan na umaabuso sa kaban ng bayan at nagpapahirap sa buhay ng mga Pilipino.
Pinatunayan na ni Lacson na magagawa niya ito nang harapin niya ang lahat ng uri ng magnanakaw – bilang sundalo at dating hepe ng kapulisan, sa kanyang tatlong termino bilang senador, at sa kanyang pagiging rehabilitation czar pagkatapos ng bagyong ‘Yolanda’.
Sa kanyang Twitter account @iampinglacson, sinabi ng mambabatas na: “I have practically spent my 50 years in public service chasing thieves both in the streets and in the government. There’s not much difference. They are all thieves, period. If it is my fate to catch more, with much authority and power, I will not stop until they’re finished.”